SEA AMBULANCE NG DOH AARANGKADA NA

DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo

HANDA nang magsilbi sa mga mamamayan ang kauna-unahang sea ambulance na binili ng Department of Health (DOH) para sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ayon kay DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo, ang turn-over ceremony ng sea ambulance ay ginanap sa Barangay Libjo Beach, Infanta, Quezon kamakalawa.

Aniya, ang naturang sea ambulance ay binili nila gamit ang taxpayer’s money upang siyang magsilbi at mag-asikaso sa mga pasyenteng mula sa malalayong island communities at mga lugar na tinatawag na ‘geographically isolated and disadvantage areas’ (GIDA).

Ipakakalat umano nila ito at ido-donate sa rural health unit ng munisipalidad ng Panukulan sa Quezon at magsisilbi sa Polillo Group of islands.

Sinabi ni Janairo, ang pagbili ng sea ambulance ay na­ging posible sa sub-allotment fund mula sa central office na nagkakahalaga ng P21,000,000 sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP), at may layunin na makapagbigay ng medical transport sa mga pasyenteng naninirahan sa island communities.

“We still have to furnish the needed medical equipment and emergency kits that will be placed inside the sea ambulance and we will endeavor to acquire them immediately in order to complete its emergency care services,” ani Janairo.

“Isang parte lamang ito sa implementasyon ng ating universal health care system at hindi lang ito para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagpapagamot sa ospital. Magbibigay rin ito ng preventive health care services at kailangan nating lagyan ito ng mobility o referral system mula sa lugar ng pinagyarihan ng insidente hanggang sa makarating ang pasyente sa pinakamalapit na RHU o ospital at pabalik sa kanyang bahay at napakaimportante po nito, ang mobility through sea ambulance at isa ito sa palalakasin natin through primary care service,”  dagdag pa nito.

Nabatid na ang mga pas­yente mula sa island communities na ay ibibiyahe ng sea ambulance sa Claro M. Recto Memorial Hospital (CMRMDH), na isang 25-bed capacity health facility sa Infanta, Que­zon.

“Lahat ng RHU ng Polilio Island ng Quezon ay ikakabit natin sa mainland hospital at uunahin natin ang RHU ng Panukulan at kung may mga pas­yenteng nangangailangan ng mas mataas na antas ng paggamot, gagamitin natin ang tele­medicine upang maka-access tayo sa mga espesyalista na nasa Maynila,” paliwanag ni Janairo.

Inaasahan namang pitong sea ambulance pa ang bibilhin para sa mga island communities sa Quezon upang matiyak ang mas mabilis na pag-deliber, pag-transport at pagkakaloob ng emergency health care sa mga pasyente na nangangaila­ngan ng agarang lunas.

Kabilang sa iba pang munisipalidad at Rural Health Units na makatatanggap din ng sea ambulances ay ang Alabat, Calauag, Patnanungan, Perez, Que­zon at Polilio.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.