MULING nagbabala sa publiko ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDDRRMC) na maghanda sa epekto ng binabantayang tropical storm na inaasahang papasok ngayon sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ito ay matapos ihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services
Administration (PAGASA) na posibleng itaas sa Tropical cyclone warning signal no. 3 ang babala sa ilang bahagi ng bansa sa oras na pumasok na sa PAR ang severe tropical storm.
“There is a high likelihood that Tropical Cyclone Wind Signals will be hoisted for Visayas, large portions of Mindanao, and several provinces in Southern Luzon due to the threat of strong to typhoon-force winds associated with the passage of ‘Rai,’ ayon sa inilabas na tropical cyclone advisory kahapon ng tanghali.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyong Odette sa bahagi ng Eastern Visayas o Caraga sa Huwebes nang hapon o gabi.
Kaugnay nito, naglabas din ng advisory ang Philippine Coast Guard Surigao Del Norte Station na pansamantalang sinusupindi nila ang biyahe ng mga sea vessel na mababa sa 250 gross ton sa karagatang sakop ng kanilang AOR simula kahapon.
Naglabas din ng abiso ang Land Transportation Office (LTO) bunsod ng babala ng Office of Civil Defense (OCD) na pansamantalang sinusupindi nila ang land travel papuntang Visaya at Mindanao.
Maging ang biyahe papuntang Catanduanes at Masbate simula kahapon hangga’t hindi binabawi ang babala upang maiwasan ang peligro sa buhay, maging sa mga ari-arian at maiwasan ang siksikan sa Maharlika Highway.
Ayon sa PAGASA ang tropical storm ay magdadala nang malalakas na hangin sa Visayas, malaking bahagi ng Mindanao, at ilang probinsya sa Southern Luzon na makararanas din ng mga pag-ulan.
Pinag-iingat ang mga apektadong lugar sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at mga panganib nang malakas na hangin dulot ng bagyo.
Inaabisuhan din ang mga mangingisda at sasakyang pandagat na huwag nang pumalaot dahil sa mapanganib na kondisyon ng dagat.
Tuloy-tuloy naman ang pag-antabay ng NDRRMC at Regional DRRMCs sa sitwasyon kaugnay ng bagyong Odette.
Sa isinagawang pagpupulong kahapon, tinalakay ang iba’t ibang paghahanda sa mga apektadong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at agarang mga aksyon sa epekto ng bagyo.
Patuloy na pag-iingat, pag-antabay sa ulat panahon at pagsunod sa mga abiso ng awtoridad ang paalala sa publiko. VERLIN RUIZ