SEA GAMES PREPS NG PH TEAM APEKTADO SA COVID-19 SURGE

Ramon Fernandez

NAGKAROON ng problema ang paghahanda ng bansa para sa Hanoi Southeast Asian Games sa Mayo sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez, ang chef de mission ng bansa sa SEA Games, kailangan nilang magsagawa ng ilang adjustments, lalo na sa ilang  venues at  facilities na gagamitin para sa training na nasa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.

“We really have to make adjustments because of this pandemic. We have to take it one step at a time,” sabi ni Fernandez sa panayam ng GMA News Online.

“Definitely, it [COVID-19 surge] has a big impact. We may have to implement a bubble training, especially in contact sports. We really have to be strict in testing and all.”

Ayon kay Fernandez, ang ilang national athletes ay nagsimula na sa kanilang paghahanda bago ianunsiyo ang mas mahigpit na alert level system.

Ang mga atleta mula sa boxing at karate ay nasa Baguio habang ang muay thai at kickboxing ay nasa Benguet. Samantala, ang mga atleta ng archery ay nasa Dumaguete, fencing sa Ormoc at weightlifting sa Cebu, Bohol, at Zamboanga.

Bukod sa naturang venues, sinabi ni Fernandez na target ding gawing training venue ng national team ang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

Ang sports na inaasahang gagamit sa RMSC ay ang taekwondo, wushu, judo, table tennis, at athletics.

Subalit sa biglang pagsipa ng kaso ng COVID-19, sinabi ni Fernandez na maaari nilang i-delay ang training dahil hindi pinapayagan ng pamahalaan ang contact sports, kabilang ang mga ensayo sa  Alert Level 3. Maaari lamang mag-ensayo sa ilalim ng isang bubble-type setup.

Ang Manila ay nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang January 15.

“As of now, none yet [training in Manila]. We can’t use the venues because they are also fixing the dormitories and there are minor repairs,” dagdag ni Fernandez.

Ang Hanoi SEA Games ay nakatakda sa May 12-23 kung saan idedepensa ng Pilipinas ang overall championship title nito.