SEA V.LEAGUE: ALAS MEN SISIMULAN ANG KAMPANYA VS VIETNAMESE

PAPAGITNA ang Alas Pilipinas men sa pag-host ng Pilipinas sa first leg ng 2024 Southeast Asia (SEA) V.League men’s tournament simula ngayong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.

Sisikaping maipagpatuloy ang back-to-back bronze medal finishes ng Alas Pilipinas women’s, ang men’s ay mataas ang kumpiyansa kung saan sisimulan nila ang kanilang kampanya sa three-day leg kontra Vietnam sa alas-6 ng gabi.

Magsasalpukan ang reigning champion Indonesia at Thailand sa 3 p.m. curtain raiser.

Subalit higit pa sa misyon na mapantayan man lamang ang breakthrough ng Filipina spikers, ang Alas ay determinado na bigyan si bagong head coach, Italian Angiolino Frigoni, ng mainit na simula.

Si Frigoni, 70, ay may malawak na karanasan, tampok ang stints sa powerhouse Italy women’s team sa 1992 Barcelona at 2000 Sydney Olympics.

Pormal siyang itinalaga ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), sa pamumuno ni president Ramon “Tats” Suzara, noong nakaraang buwan mula sa rekomendasyon ng International Volleyball Federation o FIVB.

Kabilang sa kanyang staff sina Dante Alinsunurin, Matteo Antonucci, Odjie Mamon, trainer Dexter Clamor, physiotherapist Yuichi Akaba at team manager Jerome Guhit.

Ang SEA V. League ay bahagi ng year-long build-up ng bansa para sa makasaysayang solo hosting ng FIVB Men’s Volleyball World Championship sa September sa susunod na taon.

Target ng national team na maging mainit ang simula kontra regional rivals sa pangunguna ni ace hitter Bryan Bagunas dahil isa pang standout, si Marck Espejo, ang hindi lalaro sa ngayon.

Ang koponan ay kinabibilangan din nina UAAP MVP Josh Ybañez, Vince Patrick Lorenzo, Jade Lex Disquitado, Kim Malabunga, Noel Kampton, Gabriel Casaña, Ave Joshua Retamar, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Jenngerard Diao, Lloyd Josafat, Louie Ramirez at Michaelo Buddin.

Matapos ang Vietnam, ang Alas ay mapapalaban sa Indonesia sa Sabado, alas-6 ng gabi, bago tapusin ang kampanya laban sa Thailand sa Linggo.

Sa ilalim ng isang world-class coach, umaasa ang Alas na mahigitan ang pares ng fourth-place finishes sa inaugural edition noong nakaraang taon na idinaos sa Indonesia at Pilipinas.

Ang second leg ngayong taon ay gaganapin sa Indonesia sa hindi pa inaanunsiyong petsa at venue.
CLYDE MARIANO