HINILING ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa Commission on Elections (Comelec) na maglatag ng alternatibong pamamaraan kung papaano makaboboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting (OAV) Act ang Pinoy seafarers kahit sila’y nasa laot.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation nitong Miyerkoles, binigyang diin ni Tolentino na dapat silipin ng Comelec ang kalagayan ng mga Pinoy seafarer na napagkakaitan ng karapatan para bumoto dahil ang barko na kanilang pinagtatrabahuhan ang kadalasang nasa gitna ng karagatan.
Sa kasalukuyang proseso, maaari lamang bumoto ang mga Pinoy seafarers kung pupunta sila sa embahada o konsulado ng Filipinas sa ilalim ng tinatawag na “30-day voting period”, ang problema ayon kay Tolentino karamihan sa mga seafarer ay kadalasang nasa karagatan, na kalimitang tumatagal ng anim na buwan, base na rin sa kanilang pinirmahang kontrata.
Sinang-ayunan naman ni Director James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec ang sentimyento ni Tolentino.
Ani Jimenez, pinag-aaralan ngayon ng kanilang ahensiya kung paano mas magiging kombinyenteng makaboto ang mga Pinoy seafarer, bagama’t aminado ang opisyal na hindi pa nasusubukan ng Comelec gamitin ang online voting technology para sa OAV upang ang mga mandaragat ay posibleng makaboto kahit pa nasa gitna sila ng kanilang paglalayag.
Pinayuhan naman ni Tolentino ang COMELEC na i-deputize ang mga Pinoy na kapitan ng mga Philippine-flagged vessels na kinikilalang bahagi ng teritoryo ng bansa sa ilalim ng batas upang pangasiwaan ang botohan sa ilalim ng OAV habang ang mga ito’y nasa gitna ng karagatan. VICKY CERVALES
Comments are closed.