ASAHAN nang magiging minahan ng ginto ang dancesport sa pagsabak ng bansa sa 30th Southeast Asian Games.
Ayon kay Dancesport Council of the Philippines president Becky Garcia, target nilang walisin ang lahat ng 13 events sa layuning matulungan ang Team Philippines na mabawi ang korona sa prestihiyosong biennial meet na nakatakda sa November 30 hanggang December 11.
Aniya, kumuha sila ng dalawang foreign coaches upang tulungan silang mahasa ang kanilang kakayahan.
Sina Alina Novak ng Poland at Alexander Melnikov ng Russia ay nasa bansa, tatlong linggo na ang nakalilipas, upang sanayin ang Filipino dancers sa Latin at Standard events, ayon sa pagkakasunod.
Si Nowak ay isang veteran dancer na nagwagi sa Adult Latin Division ng World Championship habang si Melnikov ay isang seasoned mentor na itinuturo ang ideals ng balance, coordination at movement.
Bukod sa pagsasanay sa ilalim ng foreign coaches, ang mga Filipino dancer ay nagsanay rin sa Italy noong nakaraang buwan nang lumahok sila sa isang dance camp.
Ani Garcia, wala siyang ipinangangako ngunit puntirya nila ang sweep sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong multi-sport tourney sa rehiyon.
“I don’t want to predict but if we can go for a sweep, we’ll do it,” ani Garcia, na ang tropa ay nagbulsa ng dalawang gold at dalawang silver medals nang huling ganapin sa bansa ang Games noong 2005.
“We had a training camp and we hired foreign coaches. We had a good preparation for the SEA Games and the athletes are ready. We just have to keep our fingers crossed and hope for the best.”
Sinabi ni Garcia na tinutulungan sila ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at ng Philippine Sports Commission (PSC)sa kanilang paghahanda.
Bagama’t hindi niya binanggit ang lawak ng suporta, sinabi niya na sapat na ito upang matulungan sila sa kanilang kampanya.
“We’re thankful to Pagcor and PSC for supporting our training and preparation,” aniya. “They have been very supportive.”
Mangunguna sa PH Danceport Team sina Sean Micha Aranar at Ana Leonila sa standard at Michael Angelo Marquez at Stephanie Sabalo sa Latin.
Sasabak din sina Cebu-based dancers Wibert Aunzo at Pearl Marie Caneda sa Latin event habang binubuo rin nina Mark Jayson Gayon and Marie Joy Renigen (standard) at Yer Lord Ilyum Gabriel at Alyanna Talam (breakdancing) ang koponan.
Lalahok sila sa tatlong dance events habang ang supporting tandem ay sasali sa dalawang events sa kumpetisyon na magsisimula sa Nob. 30 sa Clark.
Comments are closed.