SEAG: 6 GOLDS TARGET NG PH OBSTACLE SPORTS ATHLETES

PH OBSTACLE

ISINAPINAL na ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF)  ang 16-strong lineup na sasabak sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 –Disyembre 11.

Ayon kay Atty. Alberto Agra, POSF president, ang Philippine obstacle sports athletes na tatargetin ang lahat ng anim na gold medals na paglalabanan sa SEA Games ay kinabibila­ngan nina Kevin Pascua, Mark Rodelas, Sherwin Managil, Mervin Guarte, Jeffrey Reginio, Nathaniel Sanchez, Monolito Divina at Kyle Antolin sa men’s side, at Rochelle Suarez, Milky Mae Tejares, Sandi Abahan, Glorien Merisco, Kaizen Dela Serna, Deanne Moncada, Klymille Rodriguez at Diana Buhler sa female side.

Ang anim na gold medals na paglalabanan sa sport na lalaruin sa SEA Games sa unang pagkakataon ay magmumula sa men’s at women’s individual 5 km x 20 obstacles, men’s at women’s 100m x 10 obstacles, at 400m x 12 obstacles team assist at team relay.

Isinasapinal pa ng POSF ang venue para sa SEA Games, na posibleng ang sikat na Sunken Garden sa University of the Philippines campus.

Samantala, magsasanay ang koponan sa world-class Pretty Huge Obstacles sa SM Aura anim na araw sa isang linggo, at isang buong linggo sa susunod na tatlong buwan na patitirahin sila sa ilalim ng isang bubong.

“That’s one full week for every month until the SEA Games,” wika ni Moncada, na bumisita sa Philippine Sports-writers Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel sa Manila, kasama sina teammate Glorien Merisco, coach Edward Obiena at Judith Staples ng team sponsor Luminox.

Ang iba pang coach ng koponan ay sina Raven Quan (supervising), Mark Parilla (obstacles), Ken Tan (strength and conditioning), Saul Sibayan (running) at Anj Borras (physiotherapy).

“We are doing everything in training. The aim is to win all six gold medals in the SEA Games,” ani Merisco sa forum na handog ng San Miguel Corp., Braska Restaurant, Amelie Hotel at Pagcor. CLYDE MARIANO

Comments are closed.