BILANG paghahanda sa 30th Southeast Asian Games ay pupunta sina Jan Paul Morales at Ronnel Hualda sa Korea para mag-training sa loob ng 20 araw.
Sina Morales at Hualda ay bibiyahe sa Hulyo 27 kasama si coach Reinhardt Gorantes. Ang training na magsisimula sa Hulyo 29 at magtatapos sa Agosto 17 ay inorganisa ng Korea Cycling Federation at may basbas ng Universal Cycling International
“Gusto sana namin ay buong track team ang ipadadala sa Korea. Subalit dalawa lamang ang inanyayahan ng Korea Cycling Federation,” sabi ni coach Gorantes sa panayam sa kanya sa Philippine Sports Commission.
Ayon kay Gorantes, sasali ang dalawa sa mga torneo sa Korea matapos ang 20 araw na training para mahasa at madagdagan ang kanilang karanasan.
“Very timely ang training dahil kasalukuyang naghahanda ang ating mga cyclist sa SEA Games,” wika ni Gorantes.
Ang training nina Morales at Hualda ay suportado ng PSC na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at ng Philippine Cycling Federation na pinangangasiwaan ni Cavite Rep. at POC Chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Ang cycling ay consistent medal producer sa SEA Games at kumpiyansa si Gorantes na muling madodominahan ng mga Pinoy ang sport lalo na’t sa Filipinas gaganapin ang 11-nation biennial meet.
“They will go for a win to please their countrymen who will be watching them matching cycling prowess against their rivals in the region,” aniya.
Kabilang sa mga kasapi ng national team sina El Joshua Carino, Marcelo Felipe, Janrey Navarra, John Camingao, at Mark John Lexter Galedo.
Dalawang events ang paglalabanan sa cycling – track at road- na gagawin sa Tagaytay City sa Cavite. CLYDE MARIANO
Comments are closed.