UMAASA ang Philippine archery na makapag-aambag sa medal campaign ng bansa sa 30th Southeast Asian Games.
Pinagsamang mga bata at baguhan ang bumubuo kapwa sa recurve at compound teams na sasabak sa Nov. 30-Dec. 11 biennial meet kung saan sisikapin ng Filipino archers na mawakasan ang four-year gold medal drought.
Inihayag ni national coach Clint Sayo ang bumubuo sa Philippine archery team sa SEA Games sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel-Manila, sa pangunguna nina Asian Games bronze medalist Paul Marton Dela Cruz, Youth Olympic Games gold medal winner Gabriel Moreno, at Olympian Jennifer Chan.
Pangungunahan ni Moreno ang four-man recurve team, kasama sina Florante Matan, Jayson Feliciano, at Carson Hastie, habang ang distaff side ay kinabibilangan nina Kareel Hongitan, Pia Bidaure, Phoebe Amostoso, at Gabrielle Monica Bidaure.
Si Dela Cruz, bronze medal winner sa 2017 edition ng SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang mangunguna naman sa men’s compound team, kasama sina Johan Olano, Roberto Badiola at Arnold Rojas.
Samantala, ang women’s compound squad ay binubuo nina Chan, Andrea Robles, Rachelle Ann Dela Cruz at Abbigail Tinugduan.
Sina Dela Cruz at 21-year-old Robles, na sasabak sa SEA Games sa unang pagkakataon at anak ni dating national swimmer Mark Robles, ay kasama ni Sayo sa weekly public sports program.
Ang mga Filipino archer ay huling nagwagi ng gold sa regional meet sa 2013 staging sa Myanmar mula sa men’s compound team nina Earl Benjamin Yap, Ian Patrick Chipeco, at Delfin Anthony Adriano.
Sa Malaysia noong 2017 ay nag-uwi sila ng 1 silver at 4 bronze medals.
Ayaw ni Sayo na umasa ng sobra lalo na’t magiging host ang bansa sa unang pagkakataon sa loob ng 14 taon.
Gayunman ay naniniwala siyang makapagbibigay ang mga archer ng medalya.
“As much as possible we would have wanted to have good results. But as of now, I can only assure you that we will win medal. As to the classification whether it’s gold, silver, or bronze, hindi ko muna sasabihin,” anang national coach, na nagwagi ng gold medal sa individual recurve sa 1997 SEA Games sa Indonesia. CLYDE MARIANO
Comments are closed.