ORIENTAL MINDORO – WALA nang nagisnang umaga ang isang national athlete at miyembro ng Philippine Air Force (PAF) nang pagsasaksakin ito habang natutulog sa bahay ng isang barangay kagawad kahapon ng madaling araw sa Calapan City sa lalawigang ito.
Patay ang biktima na si Mervin Maligo Guarte, 33-anyos, Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist at nakatalaga sa Fernando Air Base sa Lipa City bunsod ng mga tinamong saksak sa dibdib nito Martes ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, nagawa pang maitakbo si Guarte sa Sta. Maria Village Hospital bago inilipat sa Mindoro Medical Center kung saan siya idineklarang patay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naganap ang krimen sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City, bandang 4:30 ng umaga.
Ayon kay Lt Col. Roden Fulache, hepe ng Calapan City police na natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa nakikilalang salarin.
Nanalo si Guarte ng dalawang silver medal noong 2011 Southeast Asian Games para sa men’s 800-meter and 1500-meter events sa track and field.
Matapos nito, lumipat si Guarte sa obstacle racing kung saan nanalo siya ng ginto noong 2019 SEA Games sa men’s 5km at kabilang din siya sa team na nanalo ng gold medal noong 2023 SEA Games sa men’s team relay.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kinabukasan.
Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sino-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Guarte.
VERLIN RUIZ