UMAASA ang PH men at women’s bowling team na mawakasan ang mahabang gold medal drought sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre.
Ayon kina Philippine team candidates Lara Posadas-Wong at Merwin Tan, ginagawa ng Philippine Bowling Federation (PBF) ang lahat para makabuo ng pinakamahusay na koponan upang maibigay sa bansa ang unang bowling gold nito magmula noong 2005 edition ng biennial meet.
Ang mga Pinoy ay itinanghal na overall champion sa sport nang huli itong maging host sa SEA Games, 14 taon na ang nakalilipas makaraang magwagi ng apat na gold at anim na silver medals.
“We’ll do our best to win gold medals for the Philippines this coming SEA Games. We cannot assure anything right now, but we’re really practicing very hard. So hopefully, maipakita namin ito sa SEA Games,” wika ni Posadas-Wong.
“The target is of course, manalo ng medal,” dagdag ni Tan.
Ang dalawang bowlers ay bumisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel-Manila, sariwa mula sa kanilang matagumpay na kampanya sa 45th Hong Kong International Open noong weekend.
Ang 29-anyos na si Posadas-Wong ay itinanghal na kampeon sa Hong Kong leg ng Asian Bowling Federation Tour at tumapos na second runner-up sa ladies division ng Hong Kong Open.
Nakopo naman ng 20-anyos na si Tan ang kampeonato sa Youth Masters Division at ang second runner-up finish kapwa sa Men’s Open division at sa Youth Boys doubles, kasama si Patrick Nuqui.
Si Tan din ang reigning Asian Youth champion makaraang magwagi sa event noong nakaraang Abril sa Malaysia.
Ang Hong Kong Open, Philippine Open, at Singapore Open ay kabilang sa mga torneo na gagamiting basehan ng PBF sa pagpili ng bubuo sa men at women’s team sa SEA Games.
Naniniwala si Posadas-Wong, bronze medallist sa huling dalawang editions ng biennial meet sa Singapore (2015) at Malaysia (2017) na malaki ang laban ng bansa na maka-gold sa team events.
“Though challenging, sa team (events) kaya kahit anong kulay. May chance kahit anong kulay,” aniya. “Individually, we’re getting there (pero) madami pang kailangan trabahuhin. But we’ll get there.”
Para sa dalawang bowlers, ang long-time rivals Malaysia at Singapore ang pinakamalaking banta sa gold medal bids ng mga Pinoy. CLYDE MARIANO
Comments are closed.