SEAG HOSTING NG PINAS PINURI

Sea games

SALUDO ang mga opisyal ng mga Sporting Committee mula sa iba’t ibang kalahok na bansa sa Southeast Asia (SEA) sa matagumpay na pag-organisa ng Filipinas sa 30th SEA Games noong 2019.

Partikular na pinuri ng mga delegado ang itinayong state-of-the-art na pasilidad, ang propesyonalismo at magiliw na pagtanggap ng mga Filipino sa mga bisitang dumalo at mga kalahok sa biennial meet.

Sa isang video message sa ipinalabas noong   turnover ceremony ng 30th SEA Games Final Report Book noong Miyerkoles (Nobyembre 11), binalikan ng mga Committee official ng Singapore, Brunei, Malaysia, Thailand, at Indonesia ang kanilang mga karanasan sa nakaraang SEA Games at nagpasalamat sa mga organizer, mga tauhan, at volunteers nito.

Ang 300-pahinang Report Book na binuo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) ay naglalaman ng mga kuwento ng pagsisikap at matinding pagmamahal sa sports na ipinamalas ng mga atleta, opisyal, volunteer, at mga personnel na nasa likod ng buong SEA Games.

Pinuri ng Secretary General ng National Olympic Committee (NOC) ng Singapore na si Chris Chan ang PHISGOC, ang Philippine Organizing Committee (POC), at ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pag-organisa sa ‘pinakamalaking SEA Games sa kasaysayan ng meet’.

Ayon kay Chan, maayos na naisagawa ng bansa ang 30th SEAG  kahit na 14 na taon na ang nakalipas nang huli itong naatasang mag-organisa ng isang malaking sporting event.

“Kahit malawak ang sakop ng sporting event, na umabot sa 56 sports at 530 events sa hiwa-hiwalatly na lugar, naging maganda pa rin ang kabuuang trabaho nila,” ani Chan.

Inalala rin niya ang ‘friendly’ at ‘gracious’ na pagtanggap ng mga Filipino sa kanila.

“Ang ngiti ng mga Filipino  at warm hospitality na ipinakita sa amin sa lahat ng aming pinuntahan hindi lamang sa mga Games venue ay nakakagiliw talaga,” wika ni Chan.

Pareho naman ang sentimyento ng opisyal ng NOC Malaysia na si Dato Nazifuddin.

“Talagang na-appreciate  namin ang 30th SEA Games na masasabing pinakamalaki sa kasaysayan ng SEA Games kung saan maraming sports ang isinali,” ani Nazifuddin.

Comments are closed.