SEAG OVERALL CROWN TARGET NG PH

NANINIWALA si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at Team Philippines Chef de Mission (CDM) William ‘Butch’ Ramirez na posibleng maibalik ang ‘Miracle of SEAG 2005’, may 106 araw na lamang ang nalalabi bago ang hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang ­Disyembre 11.

“Para sa akin, hindi imposible na mag-champion tayo kasi host tayo eh, at saka malaki itong budget na inasikaso natin,” pahayag ni Ramirez sa tripartite agreement signing sa pagitan ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine SEA Games Organizational Committee Inc. (PHISGOC) sa Rizal Memorial Sports Complex, Manila noong Miyerkoles.

Sa P6-billion budget para sa SEA Games hosting ngayong taon, sinabi ni  Ramirez  na walang dahilan para hindi maghangad ang bansa ng overall championship.

“Hindi totoo ‘yan na pupunta ng Southeast Asian Games na okay lang ang 3rd or 4th. Eh, bakit pa tayo gagastos ng 6-billion kung hindi tayo magcha-champion?” dagdag pa niya.

Pagdating sa medal projection, sinabi ni Ramirez na bahala na ang bawat presidente at secretary general ng National Sports Associations (NSAs) na magtakda ng medal targets, at hindi ang CDM, POC o Phisgoc. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit palaging pinupulong ni Ramirez ang mga ito.

“Every week, Monday and Tuesday we have been meeting Presidents and Secretaries Ge­neral of the NSAs. We try to set up the possible medal goals of each NSA.”

Ang SEA Games hosting ngayong taon ay hindi na bago kay Ramirez dahil siya rin ang chairman ng PSC sa 2005 edition nang makopo ng bansa ang unang overall championship nito na may total medal collection na 113-gold, 84-silver at 94-bronze medals.

Comments are closed.