SISIKAPIN ni Jean Claude Saclag na makapuwesto sa gold medal round ng men’s kickboxing laban kay Vu Truong Giang na may hometown crowd na magtsi-cheer para sa kanya sa 31st Southeast Asian Games sa Bac Ninh province gymnasium ngayong Martes.
Si Saclag, isang kickboxing convert mula wushu kung saan siya unang gumawa ng pangalan sa continent, ay nakasisiguro na ng men’s low kick -63.5-kg class bronze medal kasunod ng 3-0 panalo laban kay Souliyavong Latxasak ng Laos noong Linggo.
Subalit gagamitin ng 27-year-old mula Kalinga at Benguet ang kanyang veteran smarts mula sa pagsabak sa iba’t ibang international competitions para ma-neutralize ang kanyang Vietnamese opponent at ang hometown crowd.
“I really need to be dominant in my performance here,” ani Saclag “I will do everything to win the gold medal.”
Kapag nanalo, makakaharap ni Saclag si Chalemlap Santidongsakun ng Thailand o San Rakim ng Cambodia sa gold medal round.
Si Saclag ay Wushu World Cup champion sa sanda at nagwagi ng silver medal sa Incheon 2014 Asian Games. Nanalo siya ng gold sa kaparehong kickboxing event sa 2019 Southeast Asian Games na idinaos sa bansa.
Gayunman, tatlong iba pang Filipino kickboxers ang sibak na sa medal contention.
Natalo si Kurt Lubrica kay Thailand’s Chaiway Sungnoi, 1-2, sa men’s -54 kgs low kick clash, habang nalasap ni Jomar Balangui ang 1-2 loss kay Racchan Toch ng Cambodia sa Men’s -57 kgs full contact at yumuko si Carlos Alvarez kay Vietnam’s Nguyen The Huong, 0-3, sa -67 kgs sa men’s full contact action.
Hanggang kagabi ay lumalaban pa ang ibang Filipino bets — Daryl Chulipas kontra Indonesia’s Salmri Stendra Pattisamallo sa men’s full contact -51 kgs, Honorio Banario vs Tanoi Yermias Yohanes ng Indonesia sa men’s -71s kg low kick at Emmanuel Cantores laban kay Malaysian Ain Kamarrudin sa men’s -60 kgs low kick. CLYDE MARIANO