SEAG: PH SISIMULAN NA ANG KAMPANYA SA BEACH HANDBALL, MEN’S FOOTBALL

SA Huwebes, Mayo 12, pa ang opening ceremony ng 31st Southeast Asian Games ngunit dalawang Philippine teams — football at beach handball —ang sasalang na sa aksiyon sa magkahiwalay na venues ngayong Biyernes.

Ang men’s beach handball squad ay haharap sa Thailand sa alas-4 ng hapon sa Tuan Chau Resort Ha Long  sa Quang Ninh, habang ang football team ay mapapalaban sa Timor Leste sa Group A action sa alas-4 din ng hapon sa 20,000-seating Viet Tri Stadium in Phu Tho.

Umaasa si Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino sa magandang simula ng beach handball at men’s football athletes sa paghahangad ng bansa na maidepensa ang overall title sa SEA Games.

“To our ‘Fighting Team Philippines,’ I wish you good luck,” wika ni Tolentino, na lilipad sa  Hanoi sa Miyerkoles, isang araw bago ang opening ceremony sa 40,000-seat My Dinh Stadium, ang parehong venue kung saan binuksan ng Vietnam ang initial hosting nito sa biennial games noong 2003.

Gayunman ay pinag-iingat ni Tolentino ang 641-strong Team Philippines laban sa  Covid-19. Tatlong atleta ang nagpositibo sa virus matapos ang kanilang  RT-PCR tests at ayon kay Tolentino, dalawa sa kanila ay na-clear na matapos ang  second test habang ang ikatlo ay naghihintay pa ng negative result.

Sinabi ni Philippine Handball Federation coach at training director Joanna Franquelli na target nilang mahigitan ang  bronze medal finish sa 2019 SEA Games sa Subic.

“We have a chance for another podium finish but everything is unpredictable,” sabi ni Franquelli. “I’m just hoping we execute our game plan against anybody.”

Matapos ang Thailand, susunod na makakaharap ng Pilipinas ang Vietnam sa Sabado, alas-5 ng hapon, at Singapore sa Linggo, alas-4 ng hapon. Sa Mayo 9 ay muling makakasagupa ng Pilipinas ang Thailand sa alas-4 din ng hapon, pagkatapos ay ang Vietnam sa sumunod na araw sa alas-5 ng hapon at ang Singapore sa huling araw sa alas-4 ng hapon.

Ang 10-member team ay kinabibilangan nina Jamael Pangandaman, Josef Maximillan Valdez, Mark Vincent Dubouzet, Andrew Michael Harris, Rey Joshua Tabuzo, Manuel Lasangue Jr., Dhane Miguelle Varela, Van Jacob Baccay, John Michael Pasco at Daryoush Zandi.

Gagabayan sila nina Aurora Adriano, Luzviminda Pacubas at Tomas Luis Telan. Ang beach handball final ay nakatakda sa Mayo 11.