SEAG PREP NG KARATE TEAM TAMPOK SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

USAPIN hinggil sa paghahanda ng Philippine Karate Team sa 31st Southeast Asian Games ang sentro ng talakayan sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom ngayong Huwebes, Pebrero 3.

Kasalukuyang nagsasanay sa Philippine Sports Commission (PSC) Training Center sa Baguio City, mabibigyan ng pagkakataon ang sambayanan, higit ang mga tagasubaybay ng karate, na malaman ang katayuan at kondisyon ng mga pambansang atleta, sa pangunguna nina 2019 Manila Southeast Asian Games gold medalists Jamie Christine Lim at Filipino-Japanese Junna Villanueva-Tsukii sa lingguhang programa sa alas-10 ng umaga at live streaming sa TOPS Facebook page at YouTube.

Ang dalawang pambato ng bansa ay kapwa nagwagi ng silver medal sa women’s Kumite 61 kgs. at 50 kgs. sa Asian Karate Championship nitong Disyembre sa Almaty, Kazakhstan.

Makakasama rin sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) si Richard Lim, ang pangulo ng Philippine Karate Sports Federation, Inc., gayundin ang iba pang miyembro ng koponan na kinabibilangan nina Kata fighter Sakura Alforte na nagwagi ng dalawang bronze medals sa Asian Championship,at junior standout Joco Vasquez at Remon Misu.

Inaanyayahan ni TOPS president Maribeth Repizo-Merana ng Pilipino Star Ngayon ang mga opisyal, miyembro at sports community na makiisa sa talakayan.