HINDI magagamit ang squash facility para sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games, subalit nagpapasalamat pa rin si squash president Robert Bachmann sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pagkakaloob sa kanila ng isang lugar na matatawag nilang tahanan.
Inamin ni Bachman na ang pagkakaantala ng pagtapos sa squash facility sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex ay nakaapekto sa kanilang tsansa sa prestihiyosong biennial meet na magbubukas sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa katunayan ay napilitan silang kanselahin ang dalawang events – ang jumbo doubles at ang mixed doubles – kung saan may tsansa silang magwagi ng ginto.
Dahil dito, limang events na lamang ang lalaruin sa SEA Games – men’s singles, women’s singles, men’s team, women’s team at mixed team event.
Ang target completion date ng squash facility ay sa Marso 1, dahilan upang ilipat ng Squash Rackets Federation of the Philippines ang mga event para sa SEA Games sa Manila Polo Club sa Makati City.
Nilinaw ng PSC na ang pasilidad na kanilang itinatayo ay hindi ‘first choice’.
Nauna rito, sinabi ni PSC Chairman Butch Ramirez na ang squash court ay hindi itinatayo para sa SEAG, subalit maaaring gamitin kapag umabot ang konstruksiyon sa deadline. Kapag natapos, ang pasilidad ay pagdarausan ng squash at iba pang sports, marahil ay table tennis.
Sa kabila nito ay nagpapasalamat pa rin si Bachmann.
“Yes, it is unfortunate that the facility being constructed inside the Rizal Memorial will not be completed in time for the SEA Games,” wika ni Bachmann, na minsang pinamunuan ang makapangyarihang membership committee ng Philippine Olympic Committee (POC).
“But at the same time, we’re also lucky because we now have a place we can call home. We have been renting competition and training venue for the longest time and through the effort of the PSC, we were finally given a new facility that we can use in future event.”
Aniya, dahil dito ay isa o dalawang golds na lamang ang maaari nilang masikwat.
“We have good chances in men’s singles,” sabi pa niya.
“But if Jemyca Aribado would play well, we might also clinch a gold in the women’s singles.”
Bukod kay Aribado, sasabak din sina Robert Garcia, Reymark Begornia, Alyssa Dalida, David Peliño, Christopher Buraga at Jimmie Avila. CLYDE MARIANO
Comments are closed.