KUNG si boxing coach Ronald Chavez ang masusunod ay nais niyang kunin lahat ng ginto sa 2021 Southeast Asian Games kung saan hindi pa nabobokya ang mga Pinoy mula nang sumali sa biennial meet noong 1977 sa Thailand.
“If I have my way I want to win all the gold medals and maintain the winning tradition in the SEA Games,” sabi ni Chavez.
Ayon kay Chavez, malalakas ang mga kalaban lalo na ang perennial rival Thailand at inaasahang muling magsasagupa ang dalawang mortal na magkalaban sa overall championship.
Tinalo ng mga Pinoy ang Thais at nakuha ang overall championship sa boxing sa paghakot ng pitong ginto, tatlong pilak at dalawang tanso sa 2019 SEA Games na ginawa sa Filipinas.
“Malakas din ang Vietnam at ibang boxers galing sa ibang mga bansa. Mas takot ako sa Thailand, sila ang mahigpit nating kalaban at laging nagsasagupa ang mga Pinoy at Thais sa overall championship every SEA Games,” ayon pa kay Chavez.
“Hindi ko tinatawaran ang galing ng mga Vietnamese boxer. Malakas at inspired dahil sa kanila gagawin ang SEA Games. Pero mas concern ako sa Thais dahil sila lagi ang kalaban natin sa overall mula noon at hanggang ngayon. Marami akong nakalabang Thais noong lumalaban ako sa SEA Games,” wika ni Chavez.
Si Chavez ay consistent winner sa SEA Games, kasama ang kanyang kapatid si Arlo Chavez. Nanalo siya noong 1989, 1991, 1993, at 1995 at lumaban sa 1992 Barcelona Olympics bago naging coach ng ABAP.
Sinabi ni Chavez na malalakas at battle-tested ang ipadadala nila sa Vietnam at kumpiyansa siya na muling mag-uuwi ng karangalan ang mga Pinoy ringsters, sa pangugnuna nina Tokyo Olympic-bound Felix Eumer Marcial at Irish Magno, Nesthy Petecio, Jogen Ladon, James Palicte, Ian Clark Bautista at Filipino-Briton John Tupaz Marvin.
“May kumpiyansa ako sa ating mga boxer. They are all veterans, battle-tested and well-experienced,” ani Chavez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.