SEAMAN NAHULOG SA BARKO HABANG NAGLILINIS NG BINTANA

nahulog sa barko

ITALY – HINDI na naisalba ang 26-anyos na Filipino seafarer nang mahulog ito habang nililinis ang bintana ng sinasakyang cruise ship sa karagatang sakop ng Livorno.

Kinilala ang biktima na si Marvin Galero, seafarer ng cruise ship na Vision of the Seas.

Alas-11:30 ng umaga nang mahulog si Galero mula sa pinakamataas na deck ng barko.

Agad na dumating ang rescue divers ng Vigili del Fuoco di Livorno (Livorno Fire Brigade) matapos makatanggap ng tawag mula sa commander sa control room ng barko.

Matapos ang mahigit dalawang oras na search and rescue operations, natagpuan sa ilalim ng dagat ang labi ni Galero sa lalim na 13 metro.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung may pagkukulang sa safety measures habang naglilinis ang Pinoy.

Mandatory na naka-harness kapag may outboard operations kaya palaisipan kung paano nahulog si Galero.

Hiling naman ng pamilya Galero na maiuwi agad ang labi ni Marvin. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.