CAVITE-NATAGPUAN ng mga awtoridad ang bangkay ng isang seaman na tadtad ng saksak at nakahandusay sa madamong bahagi ng isang coffee farm sa Pung-ol road, Barangay Patutong Malaki North, Tagaytay City sa lalawigang ito nitong Lunes.
Kinilala ng Tagaytay City Police ang biktima na si Gilbert Naparete Tonelete, 53-anyos, cuisine staff ng isang cruise ship na bumibiyahe sa Europa at residente ng Tierra Nevada Subdivision, General Trias, Cavite.
Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite police director, nagtamo ng may 15 saksak sa iba’t- ibang bahagi ng katawan si Tonelete na nadiskubre isang bystander at mga residente makaraang umalingasaw ang mabahong amoy sa coffee farm.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakita si Tonelete na kasama ang dalawang kabataan na kapwa caretaker ng farm na sina Jared Lao Arandela, 18- anyos, tubong Iloilo at Eduardo Dominguez, 19-anyos na patungo sa damuhang bahagi ng coffee farm Sabado ng hapon at hindi na umano nakauwi sa kanilang bahay biktima.
Ayon kay Olazo, narekober rin sa crime scene ang kulay puting kotse ng biktima na may high resolution dash camera na sa ginawang pagsusuri sa memory card, natukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sina Lao at Dominguez.
Si Lao na sinasabing pumatay kay Tonelete ay mabilis na naaresto ng mga pulis sa Barangay Sabang, Dasmarinas Cavite na kusang sumuko samantala, pinaghahanap naman ang kasama nito sa krimen na si Dominguez.
Sa salaysay ni Lao, gusto umano ni Tonelete na makipagtalik sa kanya subalit tinanggihan niya na naging sanhi ng pagtatalo at pagkagalit ng biktima na nauwi sa pananaksak.
Kasong homicide ang isinampa kay Lao sa piskalya. ARMAN CAMBE