NAGSIMULA ng magtulong-tulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para mahanap ang nawawalang NV45VX Alouette Aircraft “Yellow Bee’’, isa air ambulance na may lulan na lima katao na kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nawawala sa Palawan.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nakipag-ugnayan na ang Office of Civil Defense MIMAROPA sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palawan, Municipal DRRMO ng Balabac, Municipal DRRMO ng Brookes Point sa Philippine Coast Guard-Palawan, Armed Forces of the Philippines Western Command (WESCOM) at Tactical Operations Wing West (TOWWEST) ng Philippine Air Force para sa nawawalang helicopter.
“We are saddened by this new incident of missing aircraft. We are closely coordinating with relevant agencies about this, and we will provide all necessary support in the operations,” ani OCD Administrator and NDRRMC Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno.
Una nang rumesponde ang PCG, sa hinggil sa posibleng helicopter crash na nangyari sa pagitan ng Brooke’s Point at Balabac Palawan nitong Miyerkules.
Ang PCG District Palawan ay nag-deploy ng BRP Malabrigo (MRRV-4402) at nakipag-ugnayan na rin sa Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC).
Batay sa imbestigasyon, kinuha ng helicopter na ginagamit sa medical evacuation flight ang isang pasyente sa Mangsee Island bandang alas-9 ng umaga kasama ng dalawang tao.
Ayon sa CAAP ang naturang chopper na may sakay na 5 katao kabilang ang isang pilot, isang nurse, isang pasyente at 2 kasama nito.
“The aircraft was expected to arrive at 11:00A.M at its station in Brooke’s Point, Palawan however around 9:28 AM, the Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) base who was monitoring the flight said that the aircraft had stopped sending location information about 100 km East of Balabac Island,” ayon sa OCD.
Sinasabing nag-take off ang chopper bandang alas-7:30 ng umaga mula sa Brooke’s Point, Palawan para mag-pick up ng pasyente mula sa Mangsee Island sa Balabac, Palawan na inaasahan sanang darating ng mga alas-10:30 ng umaga sa Southern Palawan Provincial Hospital. VERLIN RUIZ