DAVAO DE ORO- NAKATAKDA nang i-clear ng mga search, rescue, and retrieval team ang landslide site sa Masara, Maco.
Ito ay matapos na wala nang narekober pang mga bangkay ang mga awtoridad mula sa trahedya ng pagguho ng lupa sa nasabing lugar.
Ayon kay Mawab Municipal Information Officer Jiesyl May Tan, sa lalong madaling panahon ay inaasahang matatapos na ang ginagawang operasyon ng mga kinauukulan sa lugar ng landslide.
Ngunit, nakadepende pa rin ito sa magiging rekomendasyon ng incident commanders ng Incident Management Team.
Sa ngayon, mayroon pa ring walong indibidwal ang nananatiling nawawala.
Pero, ayon naman kay Tan, posibleng kabilang na ang walong mga nawawala sa 14 na unidentified bodies at body parts na kanilang narekober.
Kung maalala, kamakailan lang ay iniulat ng mga awtoridad na pumalo na sa 93 ang mga bilang ng mga labi ang naibalik na sa kani-kanilang pamilya. EVELYN GARCIA