SEASON 49 PAPLANTSAHIN NG PBA BOARD SA OSAKA

PAPLANUHIN ng PBA Board ang dapat asahan sa Season 49 at ang daan patungo sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng liga sa pagdaraos ng annual planning session nito sa Osaka, Japan ngayong Linggo.

Pangungunahan nina Board Chairman Ricky Vargas at Commissioner Willie Marcial ang PBA contingent sa three-day meeting na gaganapin sa malaking port city at commercial center sa Japanese island ng Honshu.

Ang planning sessions ay isasagawa isang buwan bago ang pagbubukas ng bagong season kung saan magbabalik ang Asia’s pioneering pro league sa regular three-conference format nito.

Noong nakaraang taon ay nag-adjust ang liga sa  schedule nito at nagdaos lamang ng dalawang conferences upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup, Asian Games, at FIBA Asia Cup qualifiers.

Plantsado na ang lahat sa  season-opener Governors’ Cup kung saan itinakda ang height limit na 6-foot-6 sa mga  import.

Isang bagong format ang ipatutupad din sa pagsisimula ng  season kung saan hahatiin ang 12 teams sa dalawang grupo. Ang top four teams sa bawat bracket matapos ang group stage ay magbabakbakan sa crossover playoffs.

“Tingin kasi namin gusto ng fans ‘yung playoff matches. Kaya susubukan natin ito sa first conference, and then we’ll see it from there,” sabi ni Marcial sa bisperas ng pag-alis ng delegasyon.

Tatalakayin din ang mid-season Commissioner’s Cup kung saan tampok ang imports na may unlimited height.

Isang foreign guest team sa Hong Kong Eastern Sports Club ang posibleng maglaro tulad ng Bay Area Dragons sa 2022-23 Commissioner’s Cup.

Nakatakdang i-brief ni Marcial at ni Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua ang Board hinggil sa bagay na ito makaraan ang preliminary talks sa ASEAN Basketball League (ABL) team noong Huwebes.

Dumalo sa pagpupulong sa Edsa Shangri-La Hotel sina Hong Kong Easter sporting director Tony Wong, team chairman Frankie Yau, at team manager Oliver Lee. Sinamahan sila nina EASL CEO Henry Kerins at EASL Philippine head Banjo Albano.

Ang pag-iiskedyul sa mga laro sakaling payagan ang  Hong Kong Eastern na maging guest team ay tatalakayin ng Board lalo na’t nakatakda ring maglaro ang Gilas Pilipinas sa ilang qualifiers para sa FIBA Asia Cup.

Dadalo ang buong Board na kinabibilangan din nina vice chairman Bobby Rosales (Terrafirma), treasurer Atty. Raymond Zorilla (Phoenix), Atty. Mamerto Mondragon (Rain or Shine), Archen Cayabyab (Converge), Eric Arejola (Northport), Ronald Dulatre (NLEX), Robert Non (San Miguel), Rene Pardo (Magnolia) Silliman Sy (Blackwater), at Atty. William Pamintuan (Meralco).

Sasamahan din ng top officials ng official broadcast partners ng PBA na Cignal TV at MediaQuest ang Board kung saan magbibigay sila ng  update sa katatapos lamang na Season 48 at ihahayag ang kanilang mga plano para sa television coverage ng bagong season na napaulat na magdaraos ng mas maraming laro at playdates.

Pangungunahan ni MediaQuest President and CEO Jane Basas ang television group kasama sina TV5 President and CEO Guido Zaballero at First Vice President, Channels and Content Management of CignalTV Sienna Olaso.

Nasa  itinerary din ang mga plano at programa para sa pagdaraos ng Season 50 sa susunod na taon at ang patuloy na suporta ng liga sa programa ng Gilas.