SEC. BELLO NAKIPAGLIBING SA OFW NA NAMATAY SA KUWAIT

SEC-BELLO

ISABELA – NAKIPAG­LIBING si Labor Secretary Silvestre Bello III sa namatay na overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa Kuwait na si Constancia Lago-Dayag.

Si Sec. Bello ay ga­ling ng Amerika at agad siyang bumiyahe patungong Isabela para daluhan ang libing ni Dayag na mahigit isang linggong ibinurol sa bahay ng kanyang biyenan sa Dalenat, Angadanan, Isabela matapos maiuwi mula sa Kuwait.

Sinabi ng kalihim na una nang nagbigay ng tulong sa pamilya ni Dayag ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) tulad ng financial assistance at scholarship sa kanyang bunsong anak na 14-anyos.

Ayon kay Atty. Bello, inihayag ng Ambassador ng Kuwait na natural death ang sanhi ng kamatayan ni Dayag batay sa resulta ng ginawang autopsy sa kanyang bangkay sa nasabing bansa.

Nang dumating ang bangkay ni Dayag sa Fili­pinas ay isinailalim sa autopsy ng national Bureau of Investigation (NBI) para malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sinabi ni Bello na hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang autopsy ng NBI at kung mapapatunayan na namatay si Dayag dahil sa pagmamaltrato at pang-aabuso sa kanya ay mananagot ang suspek para mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Nagkaisa aniya ang recruitment agencies sa bansa na magbigay ng financial assistance sa pamilya ni Constancia Dayag. AIMEE ANOC

Comments are closed.