SEC BINIGO SI PDIGONG SA PANGAKONG MABILIS NA SERBISYO SA BUSINESS SECTOR

SEC-PH

BINIGO na ay pinahihiya pa si Pangulong Duterte ng mga inutil sa hanay ng pamunuan ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa usad-pagong na pagproseso ng rehistro ng business firms.

Ang pangako ng Pangulo ng republika na mabilis na registration ng business names para ganahan ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa ay inaabot umano ng ‘siyam-siyam’ o ‘yong sobra o nakaiiritang tagal.

“Ang sabi ng frontline personnel ng SEC ay isang linggo lang maire-release agad ang registration ng company names basta kumpleto at walang diperensiya ang application papers… pero ‘yung sa amin ay isang buwan na pero wala pa ring lumalabas na registration,” sumbong ng nagrereklamong negosyante.

Kanyang sinabi na, “noon pang Disyembre 4, 2018 nag-reply sa aming online registration ang SEC na okey na raw at kumpleto na nga ang aming mga papeles… pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring inilalabas na registration para sa aming kompanya.”

“Ang masamang epekto nito sa aming negosyo ay hindi kami nakakakuha ng iba pang business permits sa LGU at sa BIR dahil kailangan muna ang rehistradong business name… worse nakabitin ang aming business operations at nagtatapon kami ng gastos sa kahihintay ng aming SEC registration,” galit na pahayag ng nagsusumbong na negosyante.

Ang problema sa sobrang bagal na pag-release ng registration ng business names mula sa SEC ay kumakalat ngayon sa sektor ng mga negosyante na nagpapaabot  ng pagkadismaya sa kawalan ng aksiyon ng Malakanyang sa obyus na panghihiya ng ilang ‘kalawang’ sa SEC sa Pangulong Duterte.

Inuulit-ulit pa ng mga nagsusumbong na mamumuhunan ang pahayag sa publiko ng Presidente ng republika na, “ang gusto ko lang ay walang reklamo ang mga tao.”

Comments are closed.