SEC. DOMINGUEZ PINAKAKASTIGO KAY PRES. DU30 SA PAGPUMILIT NA ILIGWAK ANG NEW MIA PROJECT

Sonny Dominguez III

NANAWAGAN ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan kay Pangulong Rodrigo Duterte na kastiguhin si Department of Finance (DOF) Secretary Sonny Dominguez III sa pagharang nito sa implementasyon ng $15-billion New Manila International Airport project.

Ayon sa ilang alkalde sa lalawigan na ayaw magpabanggit ng pangalan, nakarating sa kanilang kaalaman na ipinatitigil umano ni Dominguez sa Pangulo ang konstruksiyon ng Bulacan airport dahil nagkamali umano ang Department of Transportation (DOTr) sa pag-apruba sa San Miguel project ni billionaire Ramon S. Ang.

Anila, nagpadala si Dominguez, pangunahing proponent ng  Clark airport expansion project, ng memo kay Duterte laban sa New Manila Airport project.

Nakasaad umano sa memo na hindi dapat nilagdaan ng DOTr ang kontrata at kapag natuloy ito ay magiging isa lamang ‘white elephant’.

Magugunitang ni­lagdaan noong nakaraang Setyembre nina DOTr Secretary Art Tugade at Ang ang isang concession agreement na magpapasimula sa konstruksiyon ng airport sa isang 2,500-hectare property sa Bulakan, Bulacan ngayong buwan.

Binigyang-diin ng naturang mga alkalde na walang dapat ikabahala ang kalihim sa kontrata dahil walang gagastusin ang gobyerno sa proyekto at ang San Miguel shareholders na ang bahala sa anumang magi­ging problema nito.

“Huwag sanang hayaan ng Pangulong Digong na gaguhin ang mga Filipino. Hindi maaaring lumagda ang gobyerno sa isang concession agreement at mag-isyu ng notice to proceed para lamang bawiin ito at sabihing mali pala,” sabi pa ng nabanggit na mga alkalde.    Nauna nang inalmahan ng mga LGU ang pagkakaantala ng groundbreaking ng New MIA na nakatakda ngayong buwan dahil sa panibagong isyu umano na inilutang ni Dominguez.

Anila, malaking tulong ang pagbubukas ng itatayong international airport sa bahagi ng kanilang turismo, trabaho at kabuhayan kung kaya huwag sana itong harangin ni Dominguez.

Sa panayam sa i­lang mayor sa Bulacan, nagpahayag ang mga ito ng pagdududa sa tunay na motibo ng pagharang umano ni Dominguez sa benepisyo ng moder­nisasyong ipapasok sa kanilang bayan.

Nito lamang nakalipas na linggo, sinabi ni Tugade na nakabinbin sa Department of Justice (DOJ) ang concession agreement dahil may i­lang isyu na kailangang linawin ang DOF, partikular na ang ‘wording at interpretation’ sa terms ng proyekto matapos makakakuha ang San Miguel Corporation (SMC) ng notice to proceed noong Setyembre 18.

Noong nakarang taon, nagpahayag ng kanyang ‘reservation’ si Dominguez sa proyekto kung saan idinahilan nito ang New Clark City na may 55 kilometro ang layo sa pagtatayuan ng modernong paliparan.

Kamakailan naman ay napaulat na inilutang nito ang paglilinaw sa interpretasyon ng ‘material adverse government action’ (MAGA) at hangganan ng pananagutan ng gobyerno sa proyekto.

Ang MAGA ay sumasaklaw sa kompensasyon ng concessionaire sa pagkakataong magkaroon ng negatibong epekto sa proyekto ang aksiyon ng pamahalaan.

Comments are closed.