SEC. DUQUE ISASALANG SA ‘QUESTION HOUR’ NG KAMARA

Health Secretary Francisco Duque III

ISASALANG sa tinatawag na ‘question hour’ ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III partikular para busisiin ang huli sa iba’t ibang aspeto patungkol sa nakamamatay na sakit na novel corona virus o 2019-nCoV.

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni 4th Dist. Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, chairperson ng House Committee on Health na dapat malaman ang kahandaan ng bansa, partikular ng DOH kaugnay ng nasabing ‘deadly virus’.

Kaya naman iminungkahi niyang ipatawag ng lower house si Sec. Duque upang matanong ng mga kongresista at makapagpaliwanag sa mga hakbang na ginagawa at maaaring gawin ng DOH sa banta ng 2019 nCoV.

Matapos ang intepelasyon ng ilang mambabatas sa privilege speech ni Tan ay agad nag-mosyon si House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez para sang-ayunan nila ang kahilingang ipatawag sa ‘question hour’ si Sec. Duque.

Wala namang kumontra sa 239 na mga kongresistang dumalo sa sesyon kahapon sa naturang mosyon kung kaya itinakda ang pag-aatas sa kalihim na humarap sa kanilang plenaryo para sa pagbusisi naman ngayong araw.

Magugunitang pinakahuling naisalang sa ‘question hour’ ng Kamara de Representantes ang noo’y Budget Secretary Benjamin Diokno, kasalukuyang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor, na may kinalaman naman sa umano’y maanomalyang paglalaan ng pondo ng huli para sa iba’t ibang infrastructure projects at pagbibigay ng pabor sa kontratistang may kaugnayan sa anak nito. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.