WALANG legal na papanagutan ang kilalang mobile wallet sa bansa na GCash dahil sa maagap nitong natugunan ang nangyaring aberya kamakalawa sa kanilang platform.
Pahayag ito ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla tungkol sa panawagang busisiin ang nasabing kompanya dahil sa mga reklamong may ilang GCash funds na hindi awtorisadong nailipat sa ibang banko.
Nauna nang inihayag ng pamunuan ng GCash na hindi na-hack ang kanilang IT platform kundi ‘phishing’ o nakuha ng cyber tricksters ang personal information ng ilang inosenteng subscribers na siya umanong sanhi kung bakit nagkaroon ng unauthorized fund movements sa naturang mobile wallet.
Pero tiniyak nito sa kanilang mga kliyente na agarang naisaayos naman ang naturang problema at naibalik nang buo sa ilang GCash subscribers ang mga naireklamong unauthorized funds transfer at buo umano ang integridad at seguridad ng kanilang serbisyo sa publiko.
Sa ngayon ay balik na sa normal ang serbisyo ng GCash makaraan ang ilang oras na sadyang pagpigil nito ng operasyon noong Martes upang umano’y agarang maisara ang pagkakataong lumaki ang bilang ng phishing victims.
Sinabi ni Remulla na kung hindi naging maagap ang pamunuan ng GCash sa pagresolba bg depekto ng kanilang virtual wallet services ay posibleng maharap ito sa reklamong cyber crime.