SECOND WAVE NG COVID IBINABALA NG MGA EKSPERTO

COVID-19-a

DAHIL sa pagdagsa ng mga tao sa pagbubukas ng malls nitong Sabado kasabay  ng pagbaba ng enhanced community quarantine tungo sa modified enhanced community quarantine ay nagbabala ang mga eksperto  ng second wave ng coronavirus disease (COVID-19).

Nangangamba ang mga eksperto sa  mga nakitang post sa social media at napanood sa mga telebisyon na maraming motorista sa kalsada at  mga taong  nagtungo sa mga establisimyento na nagbukas para  bumili, mamasyal o umorder ng pagkain.

Ayon kay Dr. Tony Ramos, department manager for Administration Services ng  Lung Center of the Philippines,  ngayon pa lamang ay may petsa na silang pinaghahandaan kung kailan posibleng muling tumaas ang bilang ng mga kokonsulta sa mga ospital.

Sinabi nito na sa loob  ng limang araw mula sa transmission ay maaring sa Mayo 21 ay marami ang magpakonsulta  dahil kapag dumami ang mga tao na nagkikita-kita  ay darami rin ang dadapuan ng sakit.

Samantala, nilinaw naman ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt/Gen. Guillermo Eleazar na ang MECQ at GCQ ay para sa ekonomiya at hindi para sa lakwatsa.

Ang pahayag ng heneral ay bunga ng mga nasaksihang problema sa pagsisimula ng pagpapairal ng MECQ at GCQ matapos magdagsaan ang mga tao sa  shopping malls at lumikha ng dambuhalang trapik sa mga pangunahing lansangan.

Pinaalalahanan ni Eleazar ang sambayanan na nanatiling mataas pa rin ang banta ng  coronavirus infection sa labas ng bahay at ilalagay lamang sa peligro ang mga mahal sa buhay sa gagawing paglabas-labas o paggagala.

“Ipinapa-alala ko lang sa ating mga kababayan na pinayagan ng ating pamahalaan na magbukas ang ilang mga business establishment para po sa ating ekonomiya, hindi para tayo ay mag-lakwatsa,” pahayag pa ni  Eleazar. PILIPINO MIRROR Reportorial Team