SECRETARY NG NPA SA STRPC ARESTADO

QUEZON – ARESTADO sa bisa ng warrant of arrest sa mga kasong murder at kidnapping si Wigberto Villarico alyas Baylon, Secretary ng Southern Tagalog Regional Party Committee at mataas na Opisyal ng Politburo ng CPP-NPA-NDF sa Region 4A at Region 4B kahapon ng umaga sa sa Fairview, Quezon City.

Kilala  sa mga alias niyang Juventus Del Fierro, Lawrence, Joven, Mark, Cris, Valer, ang matagal nang pinaghahanap ng batas na siyang utak at pinuno ng mga NPA na sinasabing pasimuno ng mga krimen ng pagpatay, pangingidnap, panununog at iba pang iligal na gawain ng mga NPA sa Katimugang Tagalog.

Iniwan ni Baylon ang mga kasamahang rebelde sa kabundukang kanilang pinagkukutaan sa kasagsagan at pananalasa ng bagyong Kristine at umuwi sa kanyang bahay sa Fairview, Quezon City kung saan doon na siya natunton at nasakote ng mga sundalo at pulis at nadakip.

Ayon kay Phil.Army Col Dennis Caña tagapagsalita ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na nakabase sa Camp. Guillermo Nakar sa lungsod ng Lucena na malaking kabawasan at kahinaan sa puwersa ng hanay ng mga CPP-NPA-NDF ang sunod sunod na pagkakahuli sa mga matataas na pinuno ng grupo na kumakalaban sa gobyerno.

BONG RIVERA