MISAMIS ORIENTAL – PINASASAMPAHAN ng kaso ni PNP Civil Security Group (CSG) Director PBgen Roberto Fajardo ang security agency ng Minergy power plant sa Sitio Bahusan, Brgy Quezon, Balingasag matapos na makuhanan ng limang AK-47 rifles, sa pag-atake ng New People’s Army (NPA) noong Lunes ng umaga.
Ayon kay Fajardo, kung mapatunayan sa imbestigasyon na nilabag ng security agency ang mga alituntunin sa pag-iingat ng mga high powered firearms, na nakuha ng mga terorista nang disarmahan nila ang mga guwardiya ay mahaharap sila sa kaso.
Aniya, may memorandum na inilabas ang CSG sa Firearms and Explosives Office (FEO) at Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) batay na rin sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 2017, na nagbabawal sa mga sibilyan na magkaroon ng mga high-powered firearms.
Ito ay dahil sa ilang mga insidente ng agaw-armas kung saan nakakukuha ang mga kalaban ng estado ng matataas na kalibre ng baril mula sa mga sibilyan at private security guards.
Ang mga naturang baril na hawak ng mga sibilyan at private security agencies ay ipinag-utos na isuko sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para ipatago.
Ayon kay Fajardo, ang puwede lang armas na gamitin ng mga security guards ay shotgun at handgun. REA SARMIENTO
Comments are closed.