SECURITY GUARD NAG-CHECKPOINT, PULIS NA PINAHINTO SINITA

security guard

BULACAN – ARESTADO ang isang lasing na security guard at nahaharap ngayon sa patong-patong na kasong kriminal makaraang maglatag ito ng sariling checkpoint at parahin ang lahat ng dumadaang rider habang may nakasukbit na shotgun at ka-bilang sa pinara at sinita ang isang pulis na nakasakay sa motorsiklo at pinahinto sa Macaiban Bypass sakop ng Brgy. San Jose Patag, Sta. Maria.

Base sa report ni P/Col.Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, nakilala ang suspek na si Ronald Incisco.

Habang ang sinita nito ay si M/Sgt.Bernabe Aquino, nakatalaga sa Bocaue Municipal Station.

Ayon kay P/LtCol. Carl Omar Fiel, Sta. Maria police chief, kamakalawa ng gabi nang magsagawa ng check-point ang security guard na si Incisco sa kahabaan ng Macaiban Bypass sakop ng Barangay San Jose Patag, Sta.Maria habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak at armado ito ng sling shotgun at pinapahinto at sinisita ang lahat ng mga dumadaang rider sa lugar at natiyempong padaan si Sgt. Aquino lulan ng motorsiklo para pumasok at mag-duty sa Bocaue Municipal police station.

Nabatid na nagpakilala ang lasing na sekyu na pulis at armado ng shotgun kaya nagpakilala din ang biktimang pulis at maayos niyang hinanapan ng ID at dokumento ang dala nitong sling shotgun at nang walang maipakitang papel at police ID ang suspek ay kanya itong inaresto bago dinala sa himpilan ng pulisya at dinisarmahan at nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal at kinumpiska sa kanya ang isang rock island armory 12 gauge shotgun at dalawang bala.

Napag-alamang maraming rider ang pinara ng suspek na lasing sa nasabing lugar ngunit hindi ito hinintuan dahil nakitang armado ito ng shotgun at maaa­ring humantong pa sa hindi maganda kung hindi ito natiyempuan ng biktimang pulis na papasok sa trabaho at masita at madisarmahan. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.