PAIIGTINGIN pa ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang security measures para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Manila University campus na ikinasawi ng tatlo katao kahapon.
Ihahayag ni Marcos ang kanyang unang SONA sa House of Representatives sa Batasang Pambansa ngayong hapon.
“The Quezon City government, together with departments, task forces, and agencies under its Law and Order Cluster, and the QCPD (Quezon City Police District) will work together to further strengthen security and other measures to ensure no untoward incident will occur during the State of the Nation Address on Monday and strictly enforce the gun ban that has been in place since Friday (July 22),” nakasaad sa statement na inisyu ni Mayor Joy Belmonte.
Kinondena ni Belmonte ang pamamaril na nagresulta sa pagkansela sa School of Law graduation rites.
“This kind of incident has no place in our society and must be condemned to the highest level,” ani Belmonte.
Samantala, sumailalim sa RT-PCR tests ang mga empleyado, attendees, at police personnel para sa unang SONA ni PBBM.
Naglagay rin ng health screening sa Batasang Pambansa Complex.
“Lahat meron nang instructions kung ano ang dapat gawin at dapat dalhin. Pakiusap ko kung ano ‘yung health protocol, sundin natin. Dito naman hindi ka rin makakapasok kung ‘di ka invited at nasa listahan,” sabi ni House Sergeant-at-Arms Rodelio Jocson.
Ininspeksiyon ng Malacañang officials at ng Presidential Security Group ang venue noong Sabado.
Bumisita rin sa lugar si film director Paul Soriano, na siyang magdi-direct sa SONA.
Ang mga tauhan ng Quezon City Police District na ide-deploy sa SONA ay sumailalim din sa RT-PCR tests.