SECURITY PREPARATION NG PNP SA LOCAL POLLS

TINITIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na handa ang kanilang mga tauhan kaugnay sa pagbibigay seguridad at pananatili ng kapayapaan oras na sumikad na ang kampanyahan para sa mga local elective post sa buong bansa.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sinisimulan na nila ang paglalatag ng security blanket para matiyak na magiging ligtas at payapa ang pagdaraos ng kampanyahan hanggang sa matapos ang election period.

Nabatid na may mga paghahanda at pagsasanay na ginagawa ang pambansang pulisya para masawata ang mga grupong maghahasik ng kaguluhan o mga pananabotahe sa panahon ng kampanyahan.
Bukod pa ito sa security preparation na ginagawa para sa mga lugar na tinuturing na hot spots at areas of immediate concerns ng COMELEC.

“Patuloy ang ginagawang paghahanda lalong lalo na itong darating na March 25 na magsisismula na yung campaign period sa local level, binabantayan po natin yung naka lista na areas of concern, tingnan po natin kung magkakaroon ng changes at doon po magbabase ang mga gagawin nating adjustments,” ani Fajardo.

Kabilang sa mga posibleng adjustment ang deployment ng karagdagang tauhan sa ground lalo na sa mga lugar na may presensya ng terror group, mga lugar na may matinding political rivalry, may kasaysayan ng karahasan sa panahong ng eleksyon o mga lugar na sinasabing political armed groups na minamantini ng political warlords.

Bunsod nito, nagbabala si PNP chief General Dionardo Carlos sa mga kandidato na kukuha ng serbisyo ng armed goons para mang-harass ng mga kalabang kandidato o manakot ng mga botante.

Tulad nang panawagan ng Armed Forces of the Philippines , nagbabala rin ang PNP sa mga pulitiko na nakikipag sabwatan sa CPP-NPA o yung mga nagbabayad ng permit to campaign at permit to win sa New People’s Army.

Ito ay dahil sa maaring magamit ng mga rebeldeng NPA ang ibibigay na salapi o armas ng mga kandidato kapalit na malayang pangangampanya sa mga liblib na lugar sa paglaban sa gobyerno ay nagbabala ang PNP na maari silang kasuhan oras na mapapatunayan .

Kabilang din sa paghahanda ang pagtutok sa mga pulitiko na makikipagsabwatan sa mga sindikato ng iligal na droga para sa tulong pinansyal sa kanilang pangangampanya. VERLIN RUIZ