NASA huling yugto na ang inilalatag na security preparation ng Presidential Security Group (PSG) at Philippine National Police (PNP) na siyang lead agency sa pagtiyak na magiging maayos mapayapa ang unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City ngayong darating na Lunes.
Ito ay matapos na isailalim sa total lockdown ang kamara simula kahapon kasabay ng pagpapatupad nang mas mahigpit na seguridad sa loob at labas ng Batasan Pambansa sa pangunguna ng mga miyembro ng PSG .
Habang tuloy tuloy ang ginagawang fanning sa loob at labas ng Batasan Pambansa Complex gamit ang mga K-9 dogs ng PSG kasabay ng kanilang isinasagawang inspection.
Mula kahapon ng tanghali hanggang sa Linggo ay wala ng makakapasok sa House of Representatives, bukod na lamang sa mga tinaguriang “essentials” magbubukas na lamang ito sa darating na Lunes SONA day.
Ayon kay PSG Commander Col. Ramon Zagala, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa hanay PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Bureau of Fire Protection (BFP) upang matiyak na magiging maayos ang kaganapan sa Lunes mula sa pagdating ng Pangulo sa Batasang Pambansa, pag-deliver nito ng kaniyang talumpati at hanggang sa pagbalik nito sa Malacañang.
Sinabi ng opisyal na magdi-deploy sila ng sapat na tauhan upang tiyakin ang proteksyon hindi lamang ng Pangulo at first family, bagkus ng lahat ng bisita na dadalo sa SONA ng punong ehekutibo.
Sa kasalukuyan, wala naman natatanggap na impormasyon kaugnay sa posibleng banta o panggugulo sa SONA ni PBBM.
Nabatid na 80 porsyento ng nasa 1,360 na inimbitahang mga guest kabilang na rito ang mga dating pangulo, pangalawang pangulo at ang mga miyembro ng Diplomatic corps ang ang tumugon sa imbitasyon kabilang sina dating Pangulong Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon naman kay House Sergeant at arms Rodelio Jocson, in-placed na ang kanilang security preparations bagkus nagpapatuloy ang kanilang inter-agency meeting para plantsahin ang anumang mga gusot.
Idineklara din na mga awtoridad na “no fly” zone sa area ng Batasan Pambansa at asahan na magkakaroon ng signal jamming sa telephone signals sa panahon ng SONA.
Unang idineklara na ang no rally zone ang commonwealth avenue at maging ang kahabaan ng Batasan road dahil baka makaapekto naman sa traffic flow sa Commonwealth Avenue kaya may mga rally permit na hindi umano inaprubahan.
Kamakalawa ng madaling araw ay pinasimulan nang ipatupad ng PNP gun ban sa buong Metro Manila kaugnay ng kauna-unahang SONA ni PBBM na tatagal hanggang hatinggabi ng Hulyo 27.
Ayon sa PNP, layon ng gun ban na matiyak ang seguridad ng pangulo at ng mga dadalo sa unang SONA kaya’t kinailangan na pansamantalang suspendihin muna ang lahat ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) ng mga may-ari ng baril sa Metro Manila. VERLIN RUIZ