POSIBLENG talakayin ng mga miyembro ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagkakaroon ng security protocol para sa mga pari at Obispo ng Simbahang Katoliko sa plenary assembly na nakatakda nilang idaos sa susunod na buwan.
Ayon kay CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles, isa ang isyu sa paghahanda para sa kanilang kaligtasan, sa posibleng pag-usapan nila sa gagawin nilang asembliya sa Hulyo.
Ito’y kasunod na rin nang pamamaril sa apat na paring Katoliko kamakailan, na ikinasawi ng tatlo sa kanila at ikinasugat ng isa pa.
“That (a security protocol) could be discussed by the bishops,” mensahe pa ni Valles.
Batay sa 2017 Catholic Directory, mayroong mahigit sa 10,000 ang bilang ng mga pari sa buong bansa.
Sa kabila naman ng panganib sa kanilang buhay, mahigpit pa rin ang pagtutol ng mga Obispo na magbitbit sila ng armas upang protektahan ang kanilang sarili, dahil taliwas ito sa kanilang misyon bilang tagapagpahayag ng salita ng Diyos at kapayapaan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.