SEGURIDAD AT KALAYAAN SA PANGINGISDA (Hiniling kay PBBM)

NAKULANGAN  ang mga mangingisda sa sinabi ni Presidente Ferdinand”Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) hinggil sa maaaring itulong ng pamahalaan sa kanila sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng bansa at ng naturang sektor sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).

Marami ang natuwa at sinamahan pa ng standing ovation nang banggitin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang tungkol sa usapin sa West Philippine Sea, lalo na nang sinabi ni PBBM na ang West Philippine Sea na ito ay hindi kathang isip lamang, kasabay ng pasasalamat nito sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Philippine Coast Guard(PCG), at maging sa mga mangingisda na nagsakripisyo sa West Philipine Sea.

Sa kabila ng katuwaan sa pag- aabot ng pasasalamat sa kanila ng Pangulo sa pagbabantay sa karagatan, sinabi naman Leonardo Cuaresma, presidente ng New Masinloc Fishermen Association, na nakukulangan pa rin ang kanilang grupo sa mga sinabi nito.

Para sa mga mangingisda, hindi pa rin napagtuunan ng pansin ang seguridad at kaligtasan ng mga pumapalaot na mangingisda sa WPS at anumang konkretong programa para maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan bukod sa hiling nila na magkaroon ng malaking fishing vessel at kagamitan.

“ Nabanggit nga yung tungkol sa mga mangingisda at ating mga frontliners dun po sa West Philippine Sea.Ako’y natutuwa sa kanyang SONA.Pero sa kabila nito ay meron pa rin akong nakikita na kakulangan sa nabanggit sa kanyang SONA dahil nga doon sa mga life insurance sa ating mga mangingisda dahil nga nakikita natin na yung mga mangingisda ngayon ay mayroon na pong mga pangyayaring hindi maganda sa atin sa nangyayari sa atin sa West Philippine Sea,”sabi ni Cuaresma.

“Na kung sakaling may nabangga, may namatay, ay mayroon din po sanang nakukuhang mga benepisyo.Napansin ko rito,ay wala po akong nakitang konkretong programa para po sa lahat ng mga mangingisda, na sana sa pagkakataon ito ngayon, sa mga susunod na pagkakataon ay mabigyan din po sana ng pondo ang sektor ng pangisdaan ng para sa ganun po ay mayroon din pongmga livelihood programs na may ilalatag ang ating pamahalaan para po sa lahat ng apektado dyan po sa West Philippine Sea,”dagdag pa ni Cuaresma.

Nais din ng grupo na magkaroon ng malayang pangingisda hindi lamang sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal kung hindi maging sa iba’t ibang parte ng WOS.

“Gusto ko sana mangyari sa mga maliliit po nating mangingisda kung mabigyan kami ng pagkakataon ng ating Pangulo ay magkaroon din po kami ng mga lantsa o malalaking sasakyang pangdagat para makapaglayag po kami sa West Philippine Sea na makarating kami sa iba’t ibang lugar nito na para kung saan ang may maraming mga isda ay pwede rin naming marating.Sana ay sa mga susunod na pagkakataon , ay lalo pang paigtingin ang ating pagpapatrolya sana sa ating karagatan na para naman sa ganun ay kung paano yung ginagawang maigting na pagpapatrolya ng ating mga kalaban dyan sa West Philippine Sea.

Umaasa naman ang mga naturang mangingisda na sa lalong madaling panahon ay matupad ng Marcos administration ang kanilang hiling bago sumapit ang susunod na SONA. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia