TULOY tuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Commission on Election sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ang dalawang pangunahing deputized security force ng COMELEC sa panahon ng eleksyon para matiyak na magiging ligtas, maayos, payapa, at credible ang gaganapin May 2025 Midterm election.
Una nang inihayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na tututukan ng komisyon ang anumang magiging banta sa kaligtasan o karahasan sa panahon ng halalan.
Ayon kay Garcia, gagawin lahat ng komisyon para maiwasan ang anumang kaguluhan kapag pumasok na ang election period.
Magugunitang, hiniling ni Garcia sa PNP at AFP na wasakin ang mga hinihinalang private armed groups na minamantini ng ilang pulitiko at maimpluwensyang indibidwal.
Kasabay na rin ng pagpapaigting sa kampanya ng pamahalaan kontra loose or undocumented firearms na maaaring magamit sa paghahasik ng karahasan.
Kaugnay nito, nanawagan din si COMELEC Chairman Garcia para sa agarang pag-aresto sa mga bumaril sa vice-mayoral aspirant sa Tantangan, South Cotabato.
Tiniyak ni Garcia na tututukan ng kanilang komisyon ang kasong ito.
VERLIN RUIZ