HUMINGI ang Korte Suprema ng suporta sa lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa gaganaping 2019 Bar Exams.
Sa kanyang pakikipagharap kay Manila Mayor Isko Moreno, sinabi ni Supreme Court (SC) Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, 2019 bar exam chairperson, na hiniling nito ang logistic at security support sa alkalde.
Sa kanilang kahilingan, hiniling ng SC sa lokal na pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa loob ng University of Santo Tomas (UST) sa lahat ng araw ng pagsasagawa ng pagsusulit ng mga bar examiner sa Nobyembre.
Gayundin, hiniling ni Justice Bernabe ang pagtatalaga ng karagdagang ambulansya at rescue personnel mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Hiniling din ng Kataas-taasang Hukuman ang mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban sa lahat ng establisimiyento malapit sa bisinidad ng UST sa araw ng pagsusulit.
Sa kabilang banda, inimbitahan naman ni Justice Bernabe ang alkalde na dumalo sa send-off ng bar examinees dakong alas-7 ng umaga sa Nobyembre 3, unang araw ng bar exams.
Pahayag naman ni Moreno sa SC na lahat ng kanilang kahilingan ay kanilang pagbibigyan at dadalo ito sa send-off. PAUL ROLDAN