NOONG nakaraang linggo lang ay lumindol sa silangang bahagi ng bansa kung saan kumitil ito ng walong buhay at nag-iwan ng dose-dosenang mga nasaktan. Ang pangyayaring ito ay isang paalala sa matagal nang inaabangan nating lahat na tinatawag na ‘The Big One’ na maaring dumating kung kailan hindi natin inaasahan.
Nang dahil dito sa lindol na naganap ay mukhang dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno kung anong klaseng teknolohiyang pang-konstruksiyon o paggawa ng bakal ang naaayon para sa ating bansa.
Totoo ang pangamba na nararamdaman ng mga developer ng mga high-rise building at ng construction industry lalo na sa mga pangunahing lungsod ng bansa dahil sa delubyong maaaring maidulot ng malaking lindol na ito.
Ang mga pangambang ito ay marahil naging sanhi rin ng pagpapasa ng House Bill 379 ni Congressman Lemuel H. Fortun ng Agusan del Norte kung saan kanyang nais imbestigahan ang pagkalat ng mga smuggled at sub-standard na materyales at steel products sa ating bansa.
Dismayado naman ang ibang mga nasa construction business sa naging reaksiyon ng ibang ahensiya ng gobyerno sa mga pangyayaring ito. Dapat ay patuloy at aktibo ang mga ahensiyang ito sa paghahanap ng totoong solusyon para masiguro na hindi nasasakripisyo ang seguridad ng mga steel rebar sa bansa. Subalit ang mga ahensiyang ito ay mukhang pinili pang kumampi sa isang malaking kompanya sa gitna ng mga pangyayaring ito.
Sa katunayan, at akin ngang una nang nabanggit, ang House Bill 379 ay kasalukuyan nang nasa House Committee on Trade and Industry. Ang House Bill na ito ay nagbunga ng mga alintana at pangamba ng mga consumer group na nag-i-invest at bumibili ng mga high rise condominium laban sa patuloy na pagkalat at pagbebenta ng mga sub-standard na materyales at steel rebars na magiging sanhi ng pagguho ng daan-daang high rise na gusali kung dumating man ang malaking lindol.
Kung matuloy man ang pag-iimbestigang ito, dapat ay mapagpasiyahan dito kung anong teknolohiya ang nararapat na gamitin ng mga building contractor, developer, at siya rin namang hahanapin mula sa kanila ng mga mamimili upang masiguro ang kaligtasan at katibayan ng mga nagtataa-sang gusaling ito.
Ako mismo, bilang naninirahan sa isang condominium, ay nababahala sa mga balita na umano’y nagkalat na mga sub-standard na materyales at mga steel rebar na ginagamit sa high rise buildings sa ating lungsod. Sa tuwing ako ay papasok sa aking condominium ay napapaisip na lang ako kung ligtas ba talaga tayo sa mga gusaling ito.
Marahil ay kailangang puspusang tingnan at usisain ang integridad ng mga luma at bagong gusali sa gitna ng mga pangyayaring ito. Ang mga ahensiya ng gobyerno ay dapat tuluyang kumilos upang masiguro ang kaligtasan ng mga milyon-milyong Filipinong manggagawa na nakatira sa mga pabahay ng gobyerno o mga pribadong estruktura na gawa sa bakal at iba pang klaseng mga materyales.
Kamakailan lang ay sinabi ng DTI na kanilang nakita ang pagkalat at paggamit ng ‘induction furnaces’ (IF) sa proseso ng lokal na paggawa ng bakal, at kanilang ipinangako na ipagbabawal ang paggamit ng nasabing ‘second hand’ na teknolohiya dahil ito ay masama para sa kalikasan at pinanggagalingan ng mahihina at sub-standard na steel products.
Pinuri naman ng DTI ang ibang mga pangunahing construction suppliers at steel manufacturers na namuhunan sa kalabang teknolohiyang ‘electric arc furnace’ na ginagamit sa paggawa ng bakal. May mga nagsasabi na ang teknolohiyang ito ay mas nakabubuti sa kalikasan.
Ang paggamit ng parehong nabanggit na teknolohiya ay sinasabing nakasasama sa kalikasan, ngunit may mga dalubhasa na nagsasabi na kung gumagamit ang mga manufacturer ng sapat na pollution control devices, na siya namang dapat, ay hindi na ito nakasasama sa kalikasan.
Bukod dito, may datos na nagsasabi na madalas bumagsak sa independent structural integrity tests ang mga ‘Quenched Tempered’ (QT) steel na nagpapakita na hindi dapat gamitin ito para sa pagtatayo ng mga matataas na gusali.
Ang mga bansa na nasa seismic zone katulad ng China, Japan, Taiwan, New Zealand, Canada, at Amerika ay ipinagbawal na ang paggamit ng QT steel rebars sa pagtatayo ng mga gusali. Ang Filipinas naman, bilang nasa gitna ng ‘ring of fire’ o earthquake belt ay wala pa ring ginagawa o naging desisyon tungkol dito.
Kung susumahin, ang tanong kung anong teknolohiya ang gagamitin sa paggawa ng bakal ay dapat mag-udyok sa industriya at ating gobyerno na magkaroon ng tapat at puspusang pag-aaral at pagsisiyasat bago magdesisyon sa kung ano ang teknolohiyang dapat gamitin para masiguro na nasusunod ang world class safety standards.
Bilang ahensiya na tagapagpatupad, tagapagtanggol ng nararapat na pamantayan, at ang pangunahing consumer rights advocate, ang DTI ay dapat magkaroon ng tapat at walang kinikilingang imbestigasyon upang makapagdesisyon na kung anong klaseng teknolohiya at materyales ang nararapat gamitin para sa ‘Build Build Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makasiguro na magiging ligtas at matatag ang mga estrukturang ito kung tumama na ang tinatawag na ‘The Big One’.
Dito lang darating ang panahon na ating masasabi at masisiguro na magbebenepisyo mula sa patas na kumpetisyon at mababang presyo ang mga consumer at condominium dweller na hindi naman naisasakripisyo ang seguridad nila sa paggamit ng mga produkto at materyales na ito.
Comments are closed.