Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaligtasan ni Mary Jane Veloso ngayong nakabalik na ito sa bansa.
Tinututukan ng mga otoridad ang seguridad at kapakanan nito lalo na at nagtagal ito sa kustodiya ng Indonesia.
Pinasalamatan ng Pangulong Marcos ang gobyerno ng Indonesia at lahat ng nagpaabot ng tulong para mapanatili ang mabuting kalagayan ni Veloso.
Resulta aniya ito ng matibay na pagkakaibigan at kooperasyon ng Pilipinas sa gobyerno ng Indonesia.
Si Veloso ay nakabalik na ng Pilipinas umaga ng Miyerkoles kasama ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, at Bureau of Corrections.
Si Veloso ay idiniretso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong kung saan siya nagkaroon ng maikling reunion sa kanyang pamilya.
Umaasa naman ang pamilya ni Veloso na ipagkakaloob ng Presidente Marcos ang clemency kay Veloso.
“Sana po kay Pangulong Bongbong Marcos po, sa government po natin sana po ibigay na po yung clemency na hinihingi po namin. Sa tagal din po ng panahon, 14 years po na wala naman pong kasalanan yung magulang ko,” pahayag ng anak nitong si Mark Daniel Candelaria.
Giit ng Migrante International ay mabigyan ng clemency si Mary Jane dahil hindi naman aniya siya nagkasala at biktima siya ng human trafficking dito sa Pilipinas.
Taong 2015 nang nakatakdang ihanay si Veloso sa firing squad, ngunit ang gobyerno ng Pilipinas ay nanalo sa huling minutong reprieve matapos maaresto ang babaeng pinaghihinalaang nagre-recruit sa kanya at nilitis para sa human trafficking at si Veloso ay ginawang witness ng prosekusyon.
Batay sa handover agreement, ang sentensiya ng 39-anyos na si Veloso ay nasa desisyon na ng Pilipinas kabilang kung bibigyan ito ng clemency, remission, amnesty at iba pang similar measures.
Ayon sa gobyerno ng IIndonesia, igagalang nila ang pasya ng Manila.
ALIH PEREZ