SEGURIDAD SA BUS TERMINAL HINIGPITAN

LAGUNA- NAGLUNSAD kahapon ang mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group- Calabarzon ng pro-active approach para sa seguridad ng mga pasahero sa buong rehiyon kasunod ng walang-awang pagpatay sa dalawang pasahero sa loob ng Victory Liner Bus patungong Manila mula sa Nueva Ecija noong Nobyembre 17.

Pinangunahan ni Col. Rommel Estolano, HPG4A Director ang sabay- sabay na pamimigay at paglalagay ng passengers safety advisory sticker sa buong Calabarzon terminal ng Bus dakong alas-8 ng Sabado ng umaga.

Kaakibat ng mga hakbang sa seguridad ang paglalagay ng closed circuit television cameras sa terminal compound at maging sa loob ng bus upang mai-record ang bawat kaganapan sa buong oras ng biyahe lalo’t higit ang galaw ng mga pasahero.

Naglagay din ang mga awtoridad ng mga sticker na may hotline number ng mga tanggapan ng HPG para sa mabilis na pagtugon kung may nagaganap na kaguluhan sa loob ng Bus.

Nananawagan din ang HPG officials sa publiko, motorista, at maging jeepney drivers na ireport agad sa owtoridad ang mga kahina hinalang tao at indibiduwal na nasa loob ng anumang sasakyan.

Ayon kay Col. Estolano nasa 200 mobile at patrol cars, 30 motorsiklo ang 24/7 na nagpapatrulya sa buong rehiyon. ARMAN CAMBE