SEGURIDAD SA CLASS OPENING IKINASA NA

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na kanilang inihahanda ang ang security measures para sa pagbabalik-eskuwela sa Agosto 22.

Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng atas ni Pangulong Bongbong Marcos na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at school worker na magbabalik-paaralan.

Ang direktiba ng Pangulo ay alinsunod na rin sa kautusan na dapat ligtas ang bawat isa laban sa mga kriminal gaya ng mga holdaper, snatcher at kidnapper.

“There were already some schools that started the limited face-to-face classes. We will be using the same template in the execution of security procedures to maintain a peaceful and friendly environment in schools.,” ayon kay PNP Officer In Charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr.

At dahil sa ipatutupad na face-to-face classes, inaasahan na dagsa ang tao sa kalsada na pinangangambahan namang samantalahin ng kriminal para sa kanilang masamang aktibidad.

Ayon kay Danao, hindi lang sa paaralan daragsa ang tao kundi sa iba’t ibang lugar lalo na sa pamilihan kaya naman daragdagan nila ang police visibility.

Nanawagan din si Danao sa publiko na parating sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, madalas na disinfection at mag-obserba ng social distancing.

Makikipag-usap din ang PNP sa Department of Education para plantsahin ang mga hakbangin para sa ordinayong araw at emergency situation. EUNICE CELARIO