SEGURIDAD SA MGA ESKWELAHAN PAIGTINGIN

NAIS  ni Senador Risa Hontiveros na paigtingin ang seguridad sa mga eskwelahan at pampublikong lugar ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ito ang panawagan ni Hontiveros sa Philippine National Police (PNP), Department of National Defense (DND) at lahat ng law enforcement agency.

Ito umano ay para na rin maiwasan ang anumang banta sa seguridad sa bansa at hindi na maulit pa ang pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Mindanao.

Sinabi ni Hontiveros, ikalawang tahanan ang mga kolehiyo at unibersidad hindi lang para sa mga estudyante kundi para sa mga komunidad kaya dapat maging ligtas sa lahat ng pagkakataon.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat din higpitan ang boarder security para hindi makatakas ang mga dayuhang nagpasabog sa MSU sa Marawi City.

Matatandaan na inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kagagawan ng foreign terrorist ang nagpasabog sa MSU.
LIZA SORIANO