SEGURIDAD SA PASKO PAIIGTINGIN

PAIIGTINGIN ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang pagpapatupad ng seguridad at kaayusan sa Maynila, partikular sa Divisoria, higit lalo ngayong panahon ng Christmas season kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan din ang Manila Police District (MPD) sa mga Barangay na nasasakupan ng Divisoria na magiging katuwang sa pagpapanatili ng payapa at malinis na paligid.

Namahagi rin ang MPD ng mga Two-way radios at whistles (pito) bilang inisyatibo ni Station 2 Dagupan Outpost Supervisor PSMS Gerardo Tubera.

Kabilang sa mga Barangay na nakatanggap ng mga unit sa “Pulis at Barangay Ugnayan and Turnover of Two-way Radios and Whistles” ay ang Barangay 3,4,6,7,8,9,48,49.

Bawat barangay ay binigyan ng tig-12 pito at 5 two-way radio na magagamit nila sa pagroronda sa buong Divisoria na nasasakupan ni PSMS Tubera.

Dumalo sa turn-over ceremony sa Brgy.48 covered court , Dagupan ,Tondo si MPD Director Brig.Gen.Andre Dizon bilang pangunahing pandangal at nanguna sa pamamahagi ng unit sa mga Barangay chairman kasama si Station 2 Commander Lt Harry Lorenzo III at SMS Tubera.

Ayon kay PSMS Tubera ang nasabing aktibidad ay bunga ng pagtutulungan ng Barangay, samahan at kapulisan sa adhikain na maging malinis at maayos ang Divisoria.

Ang pamamahagi rin aniya ng mga kagamitan ay bilang pagsuporta sa mga Barangay officials para sa mabilis na komunikasyon para sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin lalo ngayong papalapit na ang Kapaskuhan na kailangang ipakita ang pagtutulongan at pagkakaisa para sa maayos at malinis na Divisoria .

Aniya, may programa ang pamahalaan na maximum police visibility kaya hinihingi nito sa bawat Barangay ang kanilang tulong na samahan ang pulisya ng Maynila sa pagpapatrolya sa gabi para sa kaayusan at kapayapaan habang mahimbing na natutulog ang kanilang constituents. PAUL ROLDAN