DOBLE-KAYOD ang Philippine National Police (PNP) para matiyak na walang disgrasya o anumang untoward incident sa ginaganap na Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Muli ring nilinaw ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na kaya nasa-heightened alert ang pulisya ay para sa seguridad na kanilang inilatag sa nasabing okasyon.
“Ipinapaabot sa publiko ng ating PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. na para sabihin nga sa ating media friends and partners na ang reason lamang po kung bakit tayo naka-heightened alert ay dahil nga doon sa aktibidad relating sa Traslacion,” diin ni Fajardo.
Habang pinawi rin ng PNP official ang iba pang agam-agam at haka-haka sa kumalat na kopya ng memorandum sa liderato ng PNP.
Sinabi ni Fajardo na pinasisiyasat na ng PNP chief ang pagkalat ng nasabing memo gayundin ang text messages na nag-circulate kasabay ng paalala sa mga unit commander na maging maingat sa mga impormasyon upang maiwasan ang misinformation.
“Ito pong mga lumalabas na mga posting ay ang instruction niya ay patitingnan po niya (Azurin) at ipapa-check kung saan nga nagsimula itong mga lumabas na mga kopya ng memo and even yung SMS and he will remind po yung ating mga commanders to be careful in dealing with these mga information at baka magkaroon nga ng misinterpretation doon sa mga utos sa taas” ani Fajardo. EUNICE CELARIO