(Seguridad tiniyak sa Kapaskuhan) BUS TERMINALS, LRT, MALLS ININSPEKSYON NG PNP

DALAWANG araw bago ang pagdiriwang ng Pasko, pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang pagbisita sa mga bus terminals, Light Rail Transit (LRT) station at mall sa Cubao, Quezon City.

Unang binisita ni Azurin ang five-star bus terminal na apaw ang mga pasaherong nasa waiting area at pauwi ng Central at Northern Luzon.

Ayon kay Azurin, layunin ng isinagawang inspection ay upang masiguro ang kaayusan at seguridad ng publiko kabilang na ang pagpapatupad ng pagrekisa sa mga bag ng mga pumapasok sa terminal.

Bukod sa terminal ng bus ay nag-ikot ang heneral kasama ang ilang PNP officials sa isang malaking mall sa Araneta Center at kinausap ang mga security officers para ipaalam ang mga dapat na ipatupad sa pagbibigay seguridad sa publiko lalo na sa mga last minute shopper.

Tinutukan din ni Gen. Azurin ang LRT Line 2 Cubao station na kanyang nilibot mula sa ticketing station hanggang sa passengers waiting area.

Nauna nang ipinag utos ni Gen. Azurin na magdeploy ng karagdagang puwersa ng pulisya at force multipliers sa mga bus station maging sa mga pantalan at paliparan.

Kasama ni Gen. Azurin sina Quezon City Police District Dir. PBGen. Nicolas Torre III at PNP Spokesperson PCol. Red Maranan sa isinagawang inspection.VERLIN RUIZ