(Seguridad vs NPA retaliatory attack) PNP NASA HEIGHTENED ALERT

KASABAY ng pagsasailalim sa heightened alert sa buong Philippine National Police (PNP) pinaigting pa ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagbibigay ng seguridad sa taumbayan lalo na sa kanayunan bunsod ng posibleng retaliatory attack ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ay kasunod ng pagkamatay sa engkuwentro ni George “Ka Oris” Madlos sa Impasugong, Bukidnon nitong Oktubre 30.

Ayon sa heneral, dapat maging mapagbantay dahil posibleng gumanti ang mga rebelde at hindi man direktang umatake sa pulis at militar ay maghasik ng kaguluhan at ang mga ordinayong mamamayan ang mabiktima.

“I have placed police units and offices on heightened alert in anticipation of possible retaliatory attacks from members of the New People’s Army following the killing of top-ranking communist official, George “Ka Oris” Madlos,” ayon kay Eleazar.

Pinuri rin ni Eleazar ang mga pulis na bahagi ng pagkamatay ni Ka Oris.

Magugunitang naka-engkuwentro ng mga tauhan ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa pamumuno ni Maj. Gen. Romeo Brawner Jr., partikular ang 403rd Infantry Brigade ang grupo ni Ka Oris sa Sitio Gabunan, Brgy. Dumalaguing sa Impasugong, Bukidnon nitong Oktubre 30.

Nasawi si Ka Oris at isa pang kasama nito sa nasabing encounter.

Naniniwala si Eleazar na malaking dagok sa mga rebelde ang nangyari subalit magbubunsod ito ng galit.

Kasabay nito, binabati ng PNP ang buong Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tagumpay nito laban sa kaaway ng estado.

“The PNP is one with our brothers in the Armed Forces of the Philippines in curbing the lawless activities and atrocities of the communist rebels that bring fear and terror to our communities. The entire PNP hails this successful operation as a big blow to the CPP/NPA/NDF,” ani Eleazar.
EUNICE CELARIO