QUEZON CITY – UPANG maseguro (insured) ang libo-libong miyembro ng Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP), lumagda ito ng kasunduan sa Fortune Life Insurance Company, Incorporated, kompanyang nasa ilalim ng ALC Group of Companies.
Layon nitong matiyak na mabibigyan ng angkop na benepisyo ang mga tsuper at iba pang mga nasa hanay ng transportasyon sa buong bansa.
Ayon kay Virgilio S. Aquino, First Vice President ng Fortune Life Insurance Company, Incorporated sa ilalim ng insurance coverage, bibigyan ang mga miyembro ng P100,000 natural death insurance.
Mayroon ding P100,000 worth ng accidental death insurance, P100,000 worth of death insurance due to unprovoked murder and assault at P50,000 burial insurance.
Sinabi naman ni Ka Orlando Marquez, Pangulo ng LTOP, magandang pagkakataon ang memorandum of agreement (MOA) signing para sa kanil-ang mga miyembro upang magkaroon ng kaseguruhan sakaling sila’y mapahamak habang naghahanapbuhay.
Ang MOA signing ay sinaksihan ng abogado ng LTOP na si Atty. Larry Gadon, Atty. Tirso Peralta, Board Director sa Planbank na subsidiary ng ALC Group of Companies at iba pang Regional at Team Leaders ng LTOP.
Ang LTOP ay hindi lamang organisasyon ng tsuper kundi ng mga operator sa bansa na mayroon ding mga grupo.
Isinabay ang paglalagda ng MOA sa ika-65 na kaarawan ni Marquez na isinelebra sa Quezon City.
MAKABAGONG PUVs ISINULONG
Makaraan ang MOA signing ay isinagawa rin ang press launch para sa public utility jeepney (PUJ) at tricycle upgrading modernization kung saan nagkaroon ng ribbon cutting sa makabagong sasakyan.
Sinabi ni Marquez na hindi nila inaalisan ng hanapbuhay ang mga nagmamay-ari ng mga lumang sasakyan kundi nais lamang nilang bigyan ng ka-lidad, kaseguruhan, maalwan at kaligtasan ang riding public o ang mga mananakay gamit ang modernong mga sasakyan.
Ang pagsusulong ng modernisasyon ay 22 taon nang layunin ng LTOP at umaasang maisasakatuparan na ito.
Sa mga naunang pahayag ni Marquez, iginiit nito na dapat nang tumugon ang Filipinas sa modernisasyon sa transportasyon upang maiangat ang ekonomiya ng bansa at kalidad ng transportasyon.
“Yung modernization ay hindi na natin mapipigilan ‘yan, kailangan nating mai-deliver, ang convenience sa ating mga pasahero dahil alalahanin natin na ang ating mga pasahero, ito po ‘yung mga trabahador na bumubuhay sa ekonomiya ng Filipinas,” ayon kay Marquez.
Comments are closed.