ISANG ulat ang lumabas mula sa isang kilalang travel and food website na nagsasabi na ang mga Filipino ay seksi pakinggan kapag nag-sasalita ng wikang Ingles. Talaga? Sabagay, maaring ito ang pananaw ng mga Amerikano o iba pang banyaga na nakaiintindi at nakapag-sasalita ng wikang Ingles. Iba ang pagdinig ng kanilang tainga kapag may nagsasalita ng wikang Ingles na hindi naman nila pambansang salita.
Naglabas ang Big 7 Travel ng Top 50 na mga bansa na seksi pakinggan kapag nagsasalita ng Ingles. Ang Filipinas ay nakapuwesto bilang ika-21 at nanguna tayo sa Asya. Sinundan tayo ng Vietnam at India. Ang mga taga-Japan at China ay nasa ika-42 at 43.
Sabagay, tayong mga Filipino ay napakalinaw magbigkas sa salitang Ingles. Kaya naman hindi hirap ang sino mang banyaga na makipag-usap sa atin. Mas madali pa ngang intindihin tayo sa wikang Ingles kaysa sa mga Amerikano.
Ayon sa Big 7 Travel, ang mga Filipino raw ay mahinahon sa pagsasalita ng Ingles. Kaya naman nakaaaya itong pakinggan. Ito rin ang naging puhunan natin noon kaya naman ang daming foreign investors ang namuhunan sa atin dati. Madali raw makipagkomunikasyon sa mga manggagawa natin. Ganu’n din sa mga turista na bumibisita sa ating bansa ay natutuwa dahil hindi sila hirap makipag-usap at makaintindi sa mga Filipino sa pama-magitan ng wikang ingles.
Ang husay natin sa pagsasalita ng Ingles ay naging batayan din ng paghihikayat ng foreign investors sa bansa. Subali’t matapos ang tatlong dekada marami na rin ang umalis sa Filipinas na mga banyagang mamumuhunan. Ito ay dahil sa pabago-bagong polisiya ng ating gobyerno sa kalakaran ng negosyo. Dagdag pa rito ay ang panggigipit ng mga militanteng grupo na pinapasok ang mga union sa mga pabrika natin. Sususugan nila ang mga manggagawa na magsagawa ng malawakang welga na kadalasan ay nagdudulot ng pagsasara ng mga pagawaan kung saan sila nagtatrabaho.
Kaya naman ang mga malaking investor ay lumipat na sa Vietnam, Indonesia at India kung saan mas maayos ang kalakaran nila at hindi mahirap kausap ang mga trabahador doon.
Subali’t mukhang gumaganda na ang hinaharap ng Filipinas ngayon dahil naglabas kamakailan ang Standard and Poor’s Financial Services (S&P) na isang kilala at respetadong financial services company sa buong mundo, na ang credit rating ng Filipinas ay lumalakas. Sa madaling salita, mas madali ang ating gobyerno o malaking pribadong korporasyon sa Filipinas na umutang sa mga malalaking banyagang bangko para sa mga proyekto sa ating bansa.
Tila maaring hudyat ito na manumbalik ang magandang ekonomiya natin dahil sa magandang balita na inilabas ng S&P. Babalik muli ang ating kal-amangan sa ibang bansa sa Asya dahil mas magaling tayo sa salitang Ingles. Hindi lang ‘yon…seksi pa pakinggan.
Comments are closed.